ECQ, hanggang kailan nga ba?
SA tuwing nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang estado ng ating komunidad, asahan na laging may takot, pangamba at walang katiyakan.
Sinasakal kasi ng ECQ ang bawat paggalaw ng tao, produkto at maging serbisyo.
Kapag walang anumang paggalaw, patay ang negosyo at bagsak ang ekonomiya ng bansa.
Sa ECQ, bumabagsak ang kumpiyansa ng mga negosyante. Pati ang mga mamimili, alanganin. Pigil ang kanilang paggasta dahil walang kita. Kulang ang pambili.
Nasa P150 billion daw ang nawawala sa ekonomiya ng bansa kada linggo, buhat ng ECQ. Umaabot ito sa P600 billion kung susumahin sa isang buwan.
Kaya ang malaking katanungan ngayon ay paiikliin o pahahabain pa ang ECQ? Parehong may kahihinatnan ito, pero nasaan nga ba tayo?
Suriin nating mabuti, ano ba ang pinakamasakit at pinakamalaking dagok na dadanasin ng bansa natin kapag ini-extend pa itong ECQ na maaaring abutin ng isang buwan o higit pa?
Mga sikmurang magugutom, mga negosyong magsasarahan o paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 samahan mo pa ngayon ng Delta at Lambda variant na maaaring umabot sa “full capacity” ng mga ospital?
Nahihirapan ngayon ang pamahalaan na bumalanse sa banta nitong COVID-19 virus na patuloy na nagmu-mutate at lumalakas.
Kandakuba na ang pamahalaan sa paghahanap ng pondo para sa ayuda. Dahil ang mga taong walang trabaho, aasa sa gobyerno sa pamamagitan ng ayuda o subsidy.
Sinasabi ng mga eksperto, maaaring tumagal pa hanggang apat na taon ang pandemic na ito.
Kaya malaking hamon, bagamat may mga bakuna na pero marami pa rin ang hindi nababakunahan.
Pero ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), kailangang masanay na tayong mabuhay sa nagbabantang panganib dulot nitong pandemic para hindi tuluyang bumagsak ang ekonomiya.
Ang malaking katanungan, hanggang kailan ang ECQ? Huwag i-extend ang ECQ pero nasa atin ang pag-iingat?
Saan ba tayo mas takot? Mamatay sa panganib na dulot ng Delta at Lambda variant o mamatay sa gutom dahil sa kawalan ng kabuhayan?
- Latest