Dear Attorney,
Totoo po ba ang nababasa kong alok sa Facebook na padukot daw ng marriage certificate para sa mga gusto ng annulment? Mabilis daw kasi ang proseso at hindi na kailangang humarap sa korte at magpirmahan kaya puwedeng-puwede siya sa katulad ko na walang pera para sa abogado at hindi na mahanap kung nasaan ang asawang hiniwalayan. —Amy
Dear Amy,
Huwag natin sanang paniwalaan ang mga ganyang iniaalok sa social media dahil korte lamang ang makakapagpawalang-bisa ng kasal kaya hindi posible ang tinatawag na non-appearance annulment. Hindi maaring hindi humarap sa judge ang sinumang gusto na mapawalang-bisa ang kanyang kasal dahil kakailanganin niyang ipresenta ang kanyang salaysay o testimony sa korte bilang witness.
Kahit pa sabihing hindi online scam ang mga “padukot” na serbisyong nababasa mo sa Facebook at kahit pa sabihin din na natin na may kakayahan nga silang “magpadukot” ng marriage certificate mula sa civil registry upang mabura ang record ng kasal, hindi pa rin ibig sabihin nito ay mawawalan na ng bisa ang kasal ninyong mag-asawa na parang magic.
Katulad ng sinabi ko, korte lamang po ang maaring gumawa nito sa pamamagitan ng pagbababa ng desisyon na nagdedeklarang wala nang bisa ang kasal. Kung walang desisyon mula sa korte, walang basehan para sabihing wala nang bisa ang inyong kasal.
Totoong hindi madali ang pagpapawalang-bisa ng kasal dito sa atin pero hindi iyon sapat na dahilan para magpaloko sa mga ganyang klase ng serbisyo. Bukod kasi sa panganib na ma-scam ang isang tulad mo ng libu-libong piso (o higit pa) na maari nilang singilin mula sa iyo, maari ka ring maharap sa pagkakakulong kung ikaw ay magpakasal matapos mong maipa-“dukot” at maipabura ang record ng iyong kasal. Puwede ka kasing maharap sa kasong bigamy dahil hindi naman talaga napawalang-bisa ang nauna mong kasal kaya may bisa pa ito noong ikaw ay nagpakasal ng ikalawang beses.