NGAYONG ang lahat ay apektado ng pandemya, naging lalong napakahalaga at makabuluhan sa buhay ang teknolohiya. Hindi napuputol ang mga sistema ng komunikasyon dahil sa internet, social media, computer, mobile phone, at iba pang gadget.
Patuloy na nakakapag-aral ang mga estudyante kahit nasa bahay lamang sila; hindi nauudlot ang trabaho ng maraming empleyado dahil sa ipinatutupad na work from home; nagpapatuloy ang mga negosyo at kalakalan kahit merong mga limitasyon; naisasagawa ang mga kumperensiya, seminar, pulong, palakasan, at iba pang mga okasyon. Kahit nga mga beauty contest at sports competition ay hindi napipigilan. Patuloy ang ugnayan ng mga bansa sa buong mundo dahil na rin sa tulong ng mga makabagong teknolohiya.
Nakakapagpatuloy ang mga transaksyon sa mga opisina ng gobyerno at ng sa mga pribadong tanggapan nang hindi na kailangang personal na magtungo sa mga ito dahil humahalili rito ang mga online transaction. At dahil nga nakakapagpatuloy ang operasyon ng negosyo, nagkakaroon pa rin ng oportunidad na makahanap ng ibang trabaho ang mga manggagawang naunang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Dahil na rin sa social media, sa internet sa pangkalahatan at sa mga gadget, nagkakaroon ng mga libangan o pampalipas-oras ang mga nakaistambay sa bahay. Naiibsan kahit paano ang lungkot ng mga nakakuwarantina nang isa o dalawang linggo saan man sila narooon, dahil sa mga makabagong sistema ng komunikasyon na daan para patuloy nilang nakakaugnayan ang mga mahal nila sa buhay o ibang taong kailangan nilang makausap bukod pa sa mga pampalipas-oras na naibibigay ng makabagong teknolohiya.
Kaya, nakalulungkot isipin ang mga posibleng naging senaryo sa iba’t ibang bahagi ng mundo noong mga unang panahon na nagkaroon din kahalintulad na mga pandemya tulad noong 13th, 16th, 17th, 18th 19th at 20th century o kahit sa mga mas naunang panahon pa rito. Mga panahon iyon na wala pang internet, social media, computer, cell phone, tablet, at iba pang makabagong teknolohiya na nakikita sa panahon natin ngayon.
Tiyak na mas maraming aspeto ng buhay ang nakatigil. Mas matindi marahil ang depression ng mga nagkakasakit o hinihinalang nahawahan ng sakit lalo na kung kailangan nilang makuwarantina o tumigil nang nagsosolo sa isang lugar na malayo sa maraming tao. Malamang na maraming negosyo at kalakalan ang nakahinto at mas malaking bilang ng mga manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Sarado ang mga paaralan at hindi makapag-aral ang mga estudyante. Nakahinto ang mga regular na aktibidad at ibang mga okasyong dapat sanang isinasagawa nang masaya sa panahong iyon. Mga panahon pa naman iyon na lubhang matagal bago makalikha ng epektibong bakuna laban sa pandemya. Karaniwang inaabot ng lima, 10 o 20 taon bago maimbento ang isang epektibong bakuna.
Pero, dahil marahil sa pagsulong ng makabagong siyensiya, medisina at teknolohiya, nagawa ng mga eksperto at ibang mga dalubhasa na makalikha ng bakuna sa mas mabilis pero epektibong paraan o sistema. Isipin na lang na mahigit isang taon pa lang ang nagdaan mula nang magsimulang maminsala ang COVID-19 pero naglabasan na ang iba’t ibang klase ng bakuna na sinasabing makakatulong para magkaroon ng herd immunity at masugpo ang pagkalat ng virus.
Email: rmb2012x@gmail.com