BILANG karugtong ng update sa sumbong na ipinadala sa BITAG mula sa Jaro, Iloilo City, nakilala na ang mga pulis na umano’y nagbanta sa menor de edad na biktima.
Matatandaan na kinausap umano ng mga pulis mula sa General Investigation Unit (GIU) ng Jaro Police Station ang nagrereklamo.
Anang mga pulis, mas mabigat ang kasong qualified theft kumpara sa kasong acts of lasciviousness. Kaya anumang oras, puwede nilang arestuhin ang menor de edad na lumapit sa BITAG.
Sa kagandang loob ng chief of police ng Jaro Police Station, nangako itong ipapa-line-up umano ang kaniyang mga tauhan upang maituro ng biktima ang aming hinahanap.
Pumayag pa si hepe na maidokumento ito sa pamamagitan ng pagkuha ng video ng kamag-anak ng biktima.
Ang siste, hindi ito nangyari.
Dahil sa araw na itinakdang paghaharap, dumating daw ang mga abogado ng mga inire-reklamong pulis. Hindi ito pumayag na makuhanan ng video habang itinuturo ng BITAG.
Samakatuwid, iwas-pusoy na ang mga putok sa buhong lespu. But wait, there’s more! Nadiskubre ng BITAG na ang mismong pulis sa Women’s Desk na nag-interview sa biktima ang tumawag sa dalawa niyang kasamahan sa GIU.
Sagot nito sa akin, gusto raw kasing makipag-usap ng pamilya ng menor de edad sa pamilya ng lolong nangmanyak sa kanya. Sagot naman ng magulang ng bata, sinungaling daw ang aleng pulis.
Dahil kung gusto nilang makipag-usap ay dapat sa mismong lugar na lang nila sa Concepcion, Iloilo kung saan ang isa sa mga anak ng manyakol na matanda ay kanilang kapitbahay.
Aba naman, mukhang sa nangyayari ay ang mga otoridad pa ang gustong mag-aregluhan na lang sa kaso?! Kayo diyan sa Jaro police station, maghanda-handa na kayo dahil nanghimasok na ang PNP-IAS Region 6 sa kasong ito.
Kayo diyan sa Department of Social Welfare and Development, kailangan n’yo na ring manghimasok. Kasalukuyang may “severe stress” na ang biktima.
Habang kami sa BITAG, nakabantay sa progreso ng sumbong na ‘to. Pagtanggal ng IATF sa enhanced quarantine status dito sa NCR, darating ako.