EDITORYAL - Mga bata nasa panganib ng Delta variant

NOON pa, marami na ang tutol na palabasin ang mga bata dahil sa banta ng COVID-19. Kaya nang ianunsiyo noong nakaraang buwan na puwede na raw lumabas ang mga bata at maari nang makapasyal sa plasa, palaruan at iba pang lugar na puwedeng akyatan, basta may kasamang guar-dian ay maraming tumutol sapagkat posible silang mahawahan ng virus. Mabuti at nagpasya ang mga awtoridad at agad binawi ang naunang direktiba para sa paglabas ng mga bata. Nakahinga nang maluwag ang mga magulang.

Kung hindi binawi ang direktiba, baka mas marami pa ang mga batang nahawahan ng COVID. Biglang-bigla ang pagdami ng mga bata na nahawahan ng virus. Hindi naman masabi kung ang tumama sa mga bata ay Delta variant.

Sa kasalukuyan, isang sanggol at pitong bata ang tinamaan ng COVID at naka-admit sa Philippine General Hospital (PGH). Ang pitong bata ay may edad 15 pababa. Nagkakaroon na umano ng kakulangan sa mga kama para sa mga batang may COVID.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, hindi pa malaman kung saan nakuha ng sanggol na pasyente ang virus dahil ang nanay nito ay negatibo naman sa COVID.

Ayon pa kay del Rosario, mas matindi umano ang epekto ng COVID sa mga bata ngayon, Kumplikado umano sapagkat matindi ang COVID pneumonia ng mga bata at nagkakaroon ng iba pang kumplikasyon. Dahil sa pagdami ng mga naaadmit na bata. plano umano ng PGH na magdagdag ng mga kama para sa pedia coronavirus ward.

Nagdudulot ng pangamba na pati mga bata ay tinatamaan ng sakit. Maaaring lumubha pa ang ka-lagayan sapagkat ang mga bata ay hindi pa kabilang sa vaccination program ng pamahalaan. Nauna nang sinabi ng DOH na hihilingin nilang makasama na sa vaccination program ang may edad 18-taong gulang pababa.

Nasa mga magulang ang kaligtasan ng mga anak para hindi mahawahan ng virus. Higpitan ang mga anak para hindi makalabas. Kung noon ay doble ang pag-iingat para sa mga bata, triplehin ngayon sapagkat mapanganib ang Delta variant. Ingatan ang mga anak.

Show comments