ISANG krimen sa Jaro, Iloilo ang tinangkang itago ng pamilya ng inirereklamo. Ang masaklap, mukhang nagamit pa ang pulis para baliktarin ang problema.
Ang biktima, 16-anyos na dalaga na namasukan bilang kasambahay habang bakasyon sa eskuwela para mapaghandaan ang mga gastusin sa nalalapit na pasukan. Ang kanyang naging amo sa Iloilo, mapera’t maimpluwensiya umano.
Dalawang linggo pa lamang ang dalaga sa trabaho, inatake ng kamanyakan ang tatay ng kanyang amo. Ang matandang gurang, pilit na pinapamasahe ang kanyang puwitan.
Hindi pumayag ang dalaga. Nang punasan nito ang natapong lotion sa paa, saka naman sinakmal ng manyakol na matanda ang dibdib ng dalaga.
Nang makawala ang dalaga, hinabol pa ito ng matanda at pinaghahalikan.
Nang magsumbong ang dalaga sa kanyang amo, pinauwi siya nito upang hindi na maulit pa ang nangyari. Itinawag pa raw siya ng taxi at inabutan ng P3,000 bilang sahod.
Kasama ang kanyang ama’t kapatid, nagreport ang dalaga sa Jaro police station. Subalit naunahan na pala siyang ipa-blotter ng kanyang amo – nagnakaw umano ang dalaga ng P150,000 at mga alahas na aabot sa kalahating milyong piso.
Ang masaklap, binantaan pa raw siya ng pulis na kanyang nakausap. Sabi ng pulis, “Puwede kang arestuhin anumang oras dahil mas mabigat ang kasong qualified theft kumpara sa acts of lasciviousness.”
Tarantadong pulis!
Wala akong masamang tinapay sa mga pulis lalo na’t kaibigan ko si Philippine National Police chief General Guillermo Eleazar.
Ako’y anak din ng pulis. Ang aking yumaong ama ay si Col. Ramon Tulfo Sr. Pero ang mga tulad nitong gunggong na nagbanta pa sa 16-anyos na kasambahay ay hindi ko patatawarin.
Sigurado ako, kapag nakaabot ito kay Gen. Eleazar, may kalalagyan ang mga pulis diyan sa Jaro, Iloilo.
Habang sinusulat ang kolum na ito, nag-aabang ang BITAG sa katauhan ng pulis na nagbanta sa biktima. Kasalukuyang nasa Jaro police station ang biktima at kanyang pamilya upang kilalanin at ituro ang pulis na nakausap.
Nangako sa BITAG ang Chief of Police ng Jaro police station na si Capt. Eduardo Siacon Jr. na ihaharap sa biktima ang kanyang mga tao upang makilala ang tinutukoy sa sumbong.
Napakasuwerte n’yo diyan sa Jaro, Iloilo dahil nagdeklara ng ECQ dito sa NCR na mag-uumpisa sa August 6. Kung hindi lang sa banta ng Delta variant, aktuwal kaming mag-iimbestiga diyan sa Iloilo.