ISANG 37-anyos na ama sa Texas ang nagising isang umaga sa pag-aakalang siya’y 16-anyos matapos mabura sa kanyang isipan ang dalawang dekadang alaala dahil sa kakaibang klase ng amnesia!
Noong Hulyo 2020, nagi-sing ang hearing specialist na si Daniel Porter sa isang kuwarto na hindi pamilyar sa kanya. Sa kanyang tabi ay isang babae na hindi niya kilala. Nang sinubukan niyang maghilamos, nagulat siya na isang mataba at matandang lalaki ang naging repleksyon niya sa salamin.
Bukod sa mga kalituhang ito, natataranta na siyang makapasok sa school dahil mahuhuli na siya sa kanyang first period ngunit ang hindi niya alam, dalawang dekada na siyang naka-graduate sa high school at ang babaing katabi niya ay ang kanyang misis na pinakasalan niya 10 taon ang nakalilipas at mayroon na silang isang anak.
Ayon sa asawa ni Daniel na si Ruth, nagulat siya nang umagang iyon dahil hindi siya makilala ng kanyang mister. Kitang-kita pa niya sa mga mata nito na naghahanap na ito kung paano tatakas dahil ang buong akala niya ay na-kidnap siya ng mga masasamang loob. Buti na lang, malapit ang bahay ng mga magulang ni Daniel kaya nakasaklolo agad ang mga ito at ipinaliwanag sa anak na wala siya sa panganib.
Nang dinala sa doktor, na-diagnose si Daniel na may transient global amnesia, isang biglaan at pansamantalang memory loss. Ayon sa doktor, babalik din ang memorya ni Daniel pagkaraan ng 24 oras.
Ngunit isang taon na ang nakalilipas, hindi pa rin bumabalik ang mga nawalang alaala ni Daniel.
Kasama sa mga nawalang alaala ay ang mga inaral niya sa kolehiyo kaya kailangan niyang mag-resign sa kanyang trabaho bilang trained hearing specialist. Bukod dito, may mga naiba sa pagkatao ni Daniel.
Dati ay hindi siya mahilig sa maanghang na pagkain ngunit ngayon ay malakas na siyang kumain ng mga spicy food. Noon ay hindi siya palalabas ng bahay pero ngayon, mahilig na siyang mag-hiking.
Hindi pa masabi ng kanyang mga doktor kung ano ang dahilan ng malalang amnesia ni Daniel ngunit may hinala sila na side-effect ito ng emotional stress. Noong Enero 2020, ilang buwan bago siya nagkaroon ng amnesia, nakaranas siya ng non-epileptic stress-induced seizures dahil sa financial problems.
Sa kasalukuyan sumasailalim sa mga theraphy session si Daniel ngunit walang makapagsabi kung maibabalik pa ba ang mga nawala niyang alaala.