MATAAS ang paggalang ko sa Philippine National Police (PNP). Bukod sa malapit sa akin ang kasalukuyang pinuno nito, marami nang matagumpay na trabaho ang BITAG kasama ang PNP.
Hindi maiiwasan na may ilang pasaway na pulis na inire-reklamo sa aming tanggapan. At dahil serbisyo publiko ang aking programa, kinukuha ko ang panig ng inirereklamong lespu.
Kamakailan, inireklamo ang isang pulis na naka-assign sa crime laboratory sa Camp Crame.
Ang nagreklamo ay isang nurse na nangungupahan sa isang apartment sa General Trias, Cavite.
Ayon sa nurse, tinatakot at ginigipit umano siya ng landlord na nagpakilalang “partner” ng pulis na inirereklamo.
Ang pulis umano ang tumatawag, nananakot at nanggigipit sa nurse na papasukin ang potential buyers ng apartment na kanyang inuupahan.
Bukod sa walang paunang abiso, natatakot ang nurse na papasukin ang iba’t ibang tao sa loob ng kanyang apartment dahil sa banta ng COVID-19.
Nang mga panahon na ‘yun, ang magulang na senior citizen ng biktima ang laging nasa bahay.
Kinuhanan ko ng panig ang landlord. Hinamon akong magdemanda na lang daw sa korte ang nagrereklamo.
Ayaw rin niyang kumpirmahin na sila’y “partner” ng pulis dahil ito’y personal na raw na tanong.
Sa panig naman ng pulis na inirereklamo, mariin na hindi raw niya partner ang landlord kundi “tinutulungan” lamang.
Ibig bang sabihin na sa oras ng trabaho bilang otoridad ay nanggigipit at nananakot siya ng isang tao?
Ipinaalam ko sa kanya na iaakyat namin sa PNP-Internal Affairs Service (IAS) ang reklamo.
Dito na nag-hysterical ang pulis sa ere, tumaas na ang boses nito. «Sige raw» pagmamalaki nito. Handa raw siyang harapin at sagutin ang PNP-IAS.
Puwes, your wish is my command, PSMS Armas. Sa PNP-IAS ka na magpaliwanag dahil nagsimula na ang imbestigasyon.
Simple lang ang BITAG, marunong kaming makinig ng paliwanag. Pero kung kumakasa ka pa, may kalalagyan ka.