NAKASILIP ang daga sa butas ng kanyang pinagtataguan. Nakita niyang may binubuksang kahon ang magsasaka at misis nito. Nasa isip ng daga ay pagkain ito na maaari niyang nakawin kapag tulog na ang mag-asawa kaya hinintay niyang mabuksan ang kahon. Anong gulat ng daga nang makita niyang mouse trap ang laman ng kahon!
Nagtatakbo siya sa labas para magsumbong sa mga hayop na alaga ng magsasaka. “May mouse trap sa loob ng bahay! Delikado ang buhay ko. Anong gagawin ko, mga kaibigang manok, baboy at baka?”
Nagkibit-tuka lang ang manok sa sinabi ng daga na parang walang narinig. Ganundin din naman ang baboy na nagpatuloy lamang sa pagngasab. Ang baka naman ay walang anumang napaunga. Lahat sila ay walang pakialam sa ibinalita ng kaibigang daga. Ano bang pakialam nila sa mouse trap? Hindi naman nila ikamamatay ‘yun.
Napaiyak ang daga sa kawalan ng concern ng mga itinuturing niyang kaibigan. Mag-isa lang niyang haharapin ang problema.
Kinabukasan, isinugod ng magsasaka ang kanyang asawa sa ospital dahil nakagat ng ahas. Ang buntot ng ahas ay naipit sa mouse trap. Nagkataong dumaan ang misis malapit sa mouse trap kaya naabot ito ng ahas na asar na asar dahil sa pagkakaipit niya.
Habang nasa ospital ang misis, kailangang kumain nito ng masustansiya para manauli ang lakas. Pinatay ng magsasaka ang manok para gawing chicken soup. Nang iuwi ang misis sa bahay, nagdatingan ang mga kamag-anak para sila ang maghalinhinang mag-alaga rito. Ipinasya ng magsasaka na katayin ang baboy upang may sapat siyang pagkain para sa mga kamag-anak.
Sa kasamaang palad, lumala ang kalagayan ng misis at namatay ito. Ipinasya ng magsasaka na katayin na rin ang baka para ipakain sa mga taong makikipaglamay.
Kung pinakialaman ng manok, baboy at baka ang problema ng daga, sana ay hindi na umabot ang problema sa pagkatay sa kanila. Minsan, may mga problemang akala mo’y hindi ka apektado pero kapag kumalat at lumaki pala ang problemang ito ay mukha mo ang unang masasabugan. Kaya maging concern sa problema ng ibang tao lalo na kung hinihingi nila ang tulong mo.