DAHIL sa makabagong teknolohiya, ang ating fingerprints ay mahalaga dahil ginagamit itong biometric data para sa mga government I.D. at gadgets tulad smartphone. Kaya may isang pamilya sa Bangladesh na hindi makasabay sa mabilis na takbo ng panahon dahil ipinanganak sila na walang fingerprints!
Sa unang henerasyon pa lamang ng pamilya Sarker, ang mga kalalakihan sa kanilang angkan ay ipinanganak na walang fingerprints. Hindi ito naging malaking problema sa kanilang pamilya noon ngunit ngayon ay isa itong malaking pagsubok.
Ayon kay Amal Sarker, hindi siya makakuha ng dri-ver’s license at hindi pa niya nararanasang makalabas ng kanilang bansa dahil wala siyang passport. Ang pagkakaroon din ng sariling SIM card ay imposible para sa kanya at kapatid na lalaki dahil kailangan ng biometric data upang magkaroon ng sariling cell phone number sa Bangladesh.
Nagpatingin sa isang der-matologist si Amal at natuklasan niya na siya at ang iba pang kalalakihan sa kanilang pamilya ay may kondisyon na Adermatoglyphia.
Ang Adermatoglyphia ay isang kakaiba at namamanang kondisyon kung saan hindi nagkakaroon ng fingerprint at footprint ang isang tao.
Sa sobrang kakaiba nito, noong 2007 lamang ito natuklasan ng Swiss dermatologist na si Peter Itin.
Sa kasalukuyan, idinulog na ng pamilya Sarker ang kanilang kondisyon sa mga kinauukulan ng National Identity Card Department at may posibilidad na ang gamiting biometric data nila ay ang kanilang mga retina sa halip na ang kanilang mga fingerprint.