HINDI lang ang Pilipinas ang nasasaktan sa sinabi ng China na kapirasong basurang papel lang ang arbitral award na ipinagkaloob ng UN Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands na pag-aari ng Pilipinas ang mga isla sa West Philippne Sea (WPS). Siyempre masakit din sa Tribunal dahil binabalewala ang kanilang hatol. Basurang papel lang daw ito. Ano naman kaya ang masasabi nila rito?
Habang nagbabalewala ang China, patuloy ang kanilang pag-okupa sa mga islang pag-aari ng Pilipinas. Nasa WPS ang mga Chinese vessels at walang tigil yaot ng China Coast Guard.
At walang ibang apektado ng pag-okupang ito kundi ang mga mangingisda na sa kasalukuyan ay problemado na kung paano pakakainin ang kanilang pamilya. Mula nang okupahin ng mga barko ng China ang mga pangisdaan ng mga Pilipino, wala na silang pinagkakakitaan. Inagaw ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Maaaring mamatay sila sa gutom kapag hindi gumawa ng paraan ang pamahalaan.
Sabi ng bagong grupo ng mga mangingisda na binubuo ng 6,000 miyembro, umaapela sila kay President Duterte at iba pang opisyal na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas na makapangisda sa exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea. Ayon sa grupong Bigkis ng Mangingisda, patuloy ang Chinese Coast Guard sa pagharang sa mga mangingisda na makapasok sa EEZ. Sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, na fishing grounds ng mga Pinoy, hindi na sila makapasok sapagkat hinaharang ng CCG at ang nagpipilit ay hinahabol. Ang ibang mangingisda na sumusubok sa Kalayaan Island Group na mangisda ay hinaharang din ng CCG. Ayon pa sa grupo, hindi lamang mga isda ang kinukuha ng mga Chinese kundi pati mga corals. Ang mga giant clam o taklobo ay sinisimot ng mga ito. Gumagamit umano ng mga malalaking makinarya ang Chinese fishermen.
Sabi ng Philippine Coast Guard (PCG) regular ang gagawin nilang pagpapatrulya sa mga teritoryo sa WPS kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Sana totoo ito.
Lubhang kawawa ang mga mangingisdang Pinoys. Sa kabila na nanalo na ang Pilipinas, hindi ito ipinaglalaban ng gobyerno. Dahil kaya kapirasong basurang papel lang gaya ng sinabi ng China? O dahil marami nang utang na loob ang pamahalaan gaya ng donasyong bakuna kaya balewala ang lahat maski ang naipanalo na.