NAPAPANSIN n’yo ba na wala pang pulitiko na nagdedeklara na sila’y tatakbo bilang Presidente, Bise Presidente o senador.
May nagpaparinig, nagpapahaging, nagpapabebe o nagpapakiyeme. Mga pahiwatig na interesado, posible, depende, puwede pero walang deklarasyon na “oo, tatakbo ako.”
Ang maririnig na maingay ay ang kanilang mga chuwari-wariwap na kaalyado o spokesperson at hindi mismo sa bibig ng pulitikong tatakbo.
Bakit nga ba? Tila naghihintayan sila, nagbabantayan at nagpapakiramdaman. Tatlong buwan na lamang ay filing na ng kandidatura, medyo atrasado na sa preparasyon ang ating mga pulitiko.
Eto ang mga posibleng dahilan:
Maaaring sila’y nag-aalangan na kapag nagdeklara ng kandidatura nang maaga ay kukuyugin. Hindi pa sila nag-uumpisa ay gigibain na.
Walang partido na susuporta. Kung hindi ka personalidad o hindi ka masyadong kilala, sorry ka.
Walang plataporma. Kung meron man kasing nakahanda na, dapat nailatag na nila. Platapormang pakikinggan ng taumbayan, paniniwalaan ng publiko’t makakamtan ng mga Pilipino.
Walang pondo at makinarya. Importante ito lalo na’t national position ang iyong target. Malaking katanungan kung saan kukuha ng pondo at sino ang iyong supporters.
At isyung continuity o change. Itutuloy o babaguhin nga ba ang sistema ng kasalukuyang administrasyon. Sino sa kanila ang magsasabing “conitune” at sino ang magsasabing “change”.