APAT na buwan pa bago ang filing ng candidacy ng mga tatakbo sa 2022 elections pero may nagpaparamdam na. Marami nang nagkakabit ng kanilang campaign posters at tarpaulin sa kung saan-saan. Mayroong mga garapal na pati sa vaccination sites ay namumutiktik na ang posters at tarpaulin.
Nakasilip ng pagkakataon ang mga pulitiko para makaakit ng pansin sa mga tao. Kapansin-pansin ang mga tarpaulin at posters ng kandidato sa pader ng mga gym at covered court kung saan nakapila ang mga tao para mabakunahan.
Nagmimistulang kampanyahan na sa vaccination site at halos magdilim na sa lugar dahil sa dami ng mga nakasabit o nakadikit na posters ng mga tatakbo. Kahit wala pang nakasaad sa poster na tatakbuhang posisyon, maliwanag na nagpapahiwatig na nang papalaot sa 2022 elections.
At dahil tatagal pa ang vaccination program sa bansa, bentahe ito sa mga epal na pulitiko. Mas matagal ang pagbabakuna, malaking pagkakataon para maibandera ng pulitiko ang kanilang pangalan at mukha.
Subalit nagbabala na si National Task-Force against COVID-19 (NTF) Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr. sa mga pulitiko na huwag samantalahin ang vaccination program para maisulong ang interes. Ayon kay Galvez, walang sinumang indibidwal o grupo ang makakakuha ng kredito sa isinasagawang vaccination program ng pamahalaan. Hindi ito dapat mapulitika sapagkat ang pangunahing layunin dito ng pamahalaan ay mabakunahan ang mamamayan para maproteksiyunan laban sa COVID-19. Ayon kay Galvez, nakipagpulong na sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa mga vaccination site na namumutiktik ang posters ng pulitiko at political groups.
Mabuti at nagbabala na ang NTF sa mga pulitikong umeepal sa vaccination sites. Nararapat nang gumawa ng hakbang ang DILG para balaan ang mga kandidato na huwag mamulitika sa vaccination sites. Ipag-utos ng DILG na baklasin ang kanilang campaign posters at mga tarpaulin. Hindi dapat magsamantala ang mga pulitiko.