SA aming lugar, alcoholic na ang isang tao kapag tinawag siyang lasenggo. Manginginom o magbabarik naman ang tawag sa hindi pa umaabot sa level ng pagi-ging alcoholic pero tigasin sa inuman. ‘Yun bang tumba na ang lahat ng kainuman pero siya ay nakatayo pa rin. May impresyon ako noon na mga magbubukid at construction workers at iba pang kauri nila ang nagiging lasenggo. Hindi pala. Wala palang pinipili ang alak.
Ernest Hemingway
Marami palang sikat na manunulat na naging alcoholic. Isa na rito ay si Ernest Hemingway (1899-1961), isang novelist, short story writer at essayist. Pinarangalan siya ng Nobel Prize for Literature noong 1954. Nagsimula siyang reporter ng diyaryo bago na-ging manunulat ng kuwento. Manginginom na siya noong reporter pa lang. Pagkatapos ay ipinagpatuloy niya ang hilig sa alak habang sumisikat siya bilang manunulat ng kuwento. Ang ilan sa mga sinulat niya ay Men Without Women, The Sun Also Rises, Old Man And The Sea at Death In The Afternoon.
Sa mahabang panahon ng kanyang pagiging lasenggo ay hindi naapektuhan ang qua-lity ng kanyang mga sinusulat na kuwento. Magaganda pa rin ang kanyang nalilikhang kuwento. Ngunit noong late 40’s, nagkukuwento siya na may naririnig daw siyang boses; naging mataba na siya; nagkaroon ng alta presyon at nagkasakit sa atay. Naospital siya dulot ng sobrang depresyon noong 1961. Ilang buwan pagkalipas na lumabas ng ospital ay binaril niya ang sarili.
Pagkalibing ay inilabas ang kanyang librong may pamagat na True At First Light na kinapapalooban ng koleksiyon ng mga nobelang sinulat niya noong panahong kung anu-ano na ang mga naririnig niyang boses. Sabi ng mga kritiko, ito raw ang pinakapangit na librong sinulat ng isang Nobel prize winning author. Kasi nga, baliw na siya nang sulatin ang mga nobelang nabanggit. (Itutuloy)