EDITORYAL - Ikulong ang mga kurakot
MARAMING kurakot sa pamahalaan. Mistula silang mga buwaya. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ring buwaya na namumugad sa Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Department of Public Works and Highways, Bureau of Immigration, Philippine National Police at marami pang tanggapan ng gobyerno. Walang kabusugan ang mga buwaya sa mga nasabing tanggapan.
Sa kabila na nagbanta si President Duterte sa mga kurakot na sisibakin agad niya ang mga ito, walang natatakot sa kanyang banta at lalo pang naging matakaw. Isang taon na lamang ang nalalabi sa termino ni Duterte pero ang problema sa corruption ay nananatili pa rin. Aalis siya na narito pa rin ang mga buwaya at nagpapakasawa sa pera ng taumbayan. Kung mayroon mang naparusahan, iilan lang at hindi pa sapat para matuwa ang mamamayan. Marami ang nakulimbat pero iilan lang ang nabitag at naihagis sa kulungan. Masisiyahan ang taumbayan kung may mapaparusahang “malalaking buwaya”. Matutuwa ang lahat kung walang makakawala sa lambat.
Ang pagkakahatol ng habambuhay na pagkabilanggo sa dalawang opisyal ng Bureau of Immigration at sa isang dating police officer na nag-extort ng P50 milyon sa isang gambling tycoon ay masasabi nang tagumpay sa pakikipaglaban sa mga kurakot. Pero kung may makukulong pang mas malaki kaysa sa mga ito, mas katanggap-tanggap.
Hinatulan ng Sandiganbayan na mabilanggo sina BI deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles dahil sa pandarambong. Sina Argosino at Robles at dating police officer na si Wally Sombero ay napatunayang nang-extort sa gambling tycoon na si Jack Lam. Nagkasala ang tatlo sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Kasabay nito, hinatulan din naman ng Sandiganbayan na makulong ng walong taon si dating PNP chief Jesus Verzosa at limang iba pa dahil sa P131.55 million rubber boat scam noong 2009. Nagkasala si Verzosa at limang iba pa nang paglabag sa RA 3019.
Tagumpay nang matatawag ang pagkakahatol sa mga akusado pero dapat pang paigtingin ang paglaban sa mga corrupt. Maraming corrupt pa sa pamahalaan na nagpapahirap sa bayan at apektado ang mamamayan. Ihagis sila sa madilim na kulungan.
- Latest