ISANG tinedyer na lalaki ang nakitawag sa landline phone na nagsisilbing payphone sa isang sari-sari store. Hindi maiwasang mapakinggan ng may-ari ang pakikipag-usap ng lalaki sa kabilang linya.
Lalaki: Mrs. Cruz, puwede pong magprisintang tagalinis ng inyong garden, pinsan po ako ni Dina na tagaplantsa n’yo.
Mrs. Cruz (MC): Sorry iho, may naglilinis na sa aking garden araw-araw.
Lalaki: Sige na Mam, kahit ang ibayad mo po sa akin ay kalahati lang ng regular mong ibinabayad sa kanya.
MC: Masipag si Eboy at mapagkakatiwalaan, wala akong dahilan para siya palitan.
Lalaki: Kalahati ang bayad plus libreng linis ng inyong bahay, special offer na po Mam, kailangang-kailangan ko lang ang trabaho.
MC: Pasensiya na iho, gusto kong magtrabaho si Eboy at wala akong balak na palitan siya.
Hindi nakatiis na sumali sa usapan ang may-ari ng tindahan. Pagkababa ng telepono ay nagsalita ito:
May-ari: Natanggap ka?
Lalaki: (nakangiti): Hindi po.
May-ari: E, bakit ka masaya?
Lalaki: Ang totoo po, ako mismo ang tagalinis ng garden ni Mrs. Cruz. Nagkunwari po akong ibang tao na nag-aaplay na maging tagalinis para malaman ko kung happy siya sa serbisyong ibinibigay ko sa kanya. So far, ayaw niyang kumuha ng ibang tagalinis dahil masipag daw ako at mapagkakatiwalaan.
“Work is love made visible. And if you cannot work with love but only with distaste, it is better that you should leave your work and sit at the gate of the temple and take alms of those who work with joy.” – Kahlil Gibran