PNP, itinutuwid ang operational lapses ng mga pulis! – Eleazar
NAGKAKAROON din ng lapses ang mga anti-criminality operations ng Philippine National Police subalit tinitiyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na ginagawan ang mga ito ng paraan na maituwid. Ang tinutukoy ni Eleazar ay ang kaso kina Johndy Maglinte Helis, 16, at kasama sa Laguna at ni Rapper Loonie, (Marlon Peroramas sa tunay na buhay), na inaresto sa Makati sa pag-iingat ng marijuana subalit dinismis sa piskalya.
“Hindi po natin binabalewala ang mga alegasyon ng lapses sa operasyon ng ating mga pulis. Kaya nga po natin ito iniimbestigahan ay para agad maitama, sakaling may lapses na makita, para hindi na maulit pa,” ani Eleazar. “Thus, in instances where there are allegations of irregularity in police operations, it is also important for us to get to the truth to enable us to improve and be better public servants. It also enables us to rid the PNP ranks of rogues who are unfit to wear the uniform,” ang dagdag pa ni Eleazar.
Iginiit ni Eleazar na hindi lang ang PNP ang magdurusa kapag nagkaroon ng operational lapses ang kapulisan kundi maging ang publiko dahil kalimitan sila ang biktima. Mismoooo! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Kaagad iniutos ni Eleazar ang masusing imbestigasyon sa kaso ni Helis, at drug suspect, Antonio Dalit, matapos akusahan ng pamilya ng una ang mga pulis na nagsagawa ng operation na nilikida nila ang dalawa. May report pa na nakaposas si Helis.
Kung sabagay, hindi lang ang Internal Affairs Service (IAS) ang nakatututok sa kaso kundi maging ang fact-finding task group na itinatag ni Calabarzon police chief Brig. Gen. Eliseo Cruz at ng Commission on Human Rights (CHR). Hehehe! Makakahinga na ng maluwag ang pamilya ng dalawang biktima dahil t’yak maparusahan ang mga pulis kung totoo ang bintang nila, di ba mga kosa? Tumpak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Mabilis pa sa alas kuwatro kung kumilos si Gen. Cruz dahil inireport niya kaagad na ang kalibre .45 na slugs na narekober sa bangkay ni Helis at kasama ay nag-match sa baril na isinumite ng isang Sr. Master Sgt, ayon sa PRO4-A crime laboratory. May 11 kasing pulis na sangkot sa operation ang nagsumite ng kanilang mga baril para sa cross-matching at ballistic examination. Patunay lamang ito na ang PNP ay nais ding malaman ang katotohanan sa kaso, ani Eleazar, na nangakong magkakaroon ng hustisya ang pamilya nina Helis.
Ang kaso naman laban kay rapper Loonie o Peroramas, ay dinismis ng Makati RTC Branch 64 dahil sa technicality na walang public official o taga-Department of Justice na kasama nang isinagawa ang buy-bust operation laban sa kanya at kanyang kapatid na nahulihan ng 15 sachets ng kush noong Sept. 2019. Kaya agad iniutos ni Eleazar na rebyuhin ang PNP protocols tungkol sa custody rule nila para hindi na ito maulit pa.“Tuwing may mga ganitong pangyayari, we always make an effort to review and reassess our protocols to determine if there were lapses and if there’s a need to recalibrate our guidelines,” ani Eleazar. Mukhang nagkaroon ng shortcut sa kaso ng Rapper kaya nananawagan si Eleazar sa mga operating unit na ‘wag na gawin ito dahil nasasayang ang magandang trabaho. Mismoooo! Mag-counter-charge kaya si Rapper Loonie? Abangan!
- Latest