EDITORYAL - Ano’ng ginagawa ng DepEd sa malaswang salita sa module?
MAINIT pa ring pinag-uusapan ngayon ang malalaswang salita sa module na ginagamit ng Grade 10 students sa Pampanga. Hindi malimutan ang malaswang salita na tinalo pa ang mga bastos na tabloid.
Ang tanong ngayon ay kung meron na bang hakbang na ginagawa ang Department of Education (DepEd) hinggil dito. Kumikilos na ba sila para malaman kung sino ang gumawa o responsible sa pagta-translate nang mga nalathala sa module?
Nalusutan na naman ang DepEd ng mga malalaswang salita. Noong nakaraang taon, binatikos din ang DepEd dahil sa mga malalaswang pangalan na ginamit sa textbook at ngayon, meron na namang nakalusot. At mas malala pa.
Sa laki ng budget ng DepEd (P754.4 billion ngayong 2021) dapat ba silang malusutan ng mga malalaswang salita kung nagbayad sila nang maayos sa mga nagsaliksik at nagsalin sa tamang lengguwaheng Filipino.
Nadiskubre ang malaswang salita sa module makaraang dumalo sa hearing ng House committee on public accounts ang school administrator na si Antonio Calipjo-Go noong nakaraang linggo. Isiniwalat niya ang mga malalaswang salita sa module na ginagamit ng Grade 10 students sa Pampanga. Ipinakita ni Go sa hearing ang kopya ng module kung saan, topic ang tungkol sa aswang at iba pang katatakutan. Nagimbal ang lahat sa ipinabasa ni Go. Nakasaad sa module na ang kahulugan ng aswang ay: “Siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng maka-----ot o maaaswang.”
Napakabastos ng nagsulat o nagsalin nito. Hindi man lang nakita ng mga guro o DepEd officials. Hinayaang maimprenta at naipamahagi sa mga estudyante. Kung hindi ito nakita ng apat na nanay at inireport kay Go, patuloy itong gagamitin.
Ayon naman sa DepEd, naayos na raw ang problema. Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, iniwasto na raw nila ang malaswang salita. Ginawan na raw ito ng errata ng division office.
Ganun lang? Wala nang iba pang gagawin?
Hanapin ang tao o grupong gumawa ng malaswang pagsasalin sa module at imbestigahan. Bawiin ang ibinayad sa kanila at kasuhan dahil sa malaswang paggamit ng salita.
- Latest