“AKO ang dapat magalit dahil ako ang siniraan…”
Ito ang mga katagang isinagot sa akin ng mayor ng Benito Soliven sa Isabela. Ito’y nang puntahan ko siya ng personal at ibalitang nagpakamatay na ang female radio anchor na nagrereklamo laban sa kanya.
Nakakapanting ng taynga ang kanyang sinabi. Para bagang ang ibig sabihin, siya na ang inireklamo sa pambabastos at sapilitang paghalik sa publiko ay ang biktima pa ang dapat mag-sorry.
Noong mga oras na ‘yun, walang boses si Mayor Roberto Lungan dahil bagong opera ang kanyang lalamunan kaya hindi ito masyadong makapagsalita.
Dagdag pa niya, nagkapatawaran na raw sila ng nagrereklamo nu’ng buhay pa ito. Mariin namang itinanggi ito ng pamilya ng biktima.
Kung totoo mang nagkapatawaran, bakit sunud-sunod pa rin ang tirada ng diyaristang si Wilfredo “Jun” Bergonia sa namayapang nagrereklamo na si Julie del Rosario aka July Grospe?
At ang matindi, ang nagrereklamo pa ang nasampahan ng kaso’t nalabasan ng warrant of arrest. Eto namang loko-lokong si Berganio, nag-Facebook live at pinatungan sa ulo ng 50,000 ang wanted daw na si July – ang kaso, cyber libel.
Nagmalaki pa si kolokoy na dodoblehin ang reward money kapag napatay at madadala sa kanya ang putol na daliri umano ni July. Burado na ang video sa Facebook ni Berganio.
Nang hanapin ko ang pabuya niyang P100,000 para ibigay na donasyon sa pamilyang naiwan ng nagbigting si July, wala raw siya ganong kalaking pera.
Napakarumi, napakasalaula ng ginawa sa biktima. Pinagtulungan ng mga may kapangyarihan, dinurog ng walang kalaban-laban.
Eto ang naging dahilan kaya tatlong oras bago magpakamatay si July, naghuling habilin pa sa BITAG.
Sa’yo Mayor Lungan ng Benito, Soliven at Jun Berganio, idikdik n’yo sa inyong kukote na kahit patay na ang nagrereklamo, puwede pa rin kayong masampahan ng kaso – kung gugustuhin ng pamilyang naiwan ng namayapa.