Pulis na nangingikil sa police applicants, sibak!
NATULDUKAN na rin ang panlalamang ni S/Sgt. Joel Bunagan sa police applicants. Para hindi na siya pamarisan pa, iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang pagsibak kay Bunagan. Si Bunagan mga kosa ay dalawang beses nahuli ng PNP Integrated Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na humihingi ng P100,000 sa police applicants para siguruhin ang pagpasok nila sa PNP.
“Tuluyan na nating tinanggal sa serbisyo itong si Bunagan. Sinabi ko naman sa inyo na walang puwang sa PNP ang mga pulis na sangkot sa iligal na gawain,” ani Eleazar. “Personal ko na tinututukan ang mga kaso ng tiwaling pulis dahil seryoso ako sa pangakong binitawan ko na linisin at magpatupad ng reporma sa organisasyon,” ang dagdag pa ni Eleazar, sabay banta na hindi siya titigil hanggang malinis sa tiwaling pulis ang kanilang hanay. Hak hak hak! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Si Bunagan, na isang ambulance driver ng Health Service, ay unang inaresto sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City noong Abril ng nakaraang taon matapos kikilan ang police applicant ng P100,000 para ayusin ang kanyang medical records. Mahusay din si Bunagan dahil nakuha niyang magpiyansa. Subalit ilang araw makalaya, aba balik sa dating gawi si Bunagan at natiyempuhan uli siya ng IMEG sa Brgy. 175, Camarin, Caloocan City na may kausap na police applicant na nais niyang biktimahin. Swak uli sa karsel ng IMEG si Bunagan. Mismooooo! Hak hak hak!
Mga kasong grave misconduct, paglabag ng R.A. 11031 at anti-graft and corrupt practices ang hinaharap ni Bunagan sa korte. Ang masama lang, sinibak siya ni Eleazar sa samu’t saring kasong administratibo na isinampa laban sa kanya.
Ang pagkaaresto kay Bunagan at iba pa ay kasama sa isinusulong ng liderato ng PNP na internal cleansing. Marami kasing mga tiwaling pulis na bigla na lang namamaril ng mga inosenteng sibilyan sa walang kadahilanan. At ang suspetsa ng PNP dito ay may problema sa medical, lalo na sa neuro-exams, ang mga pulis na ito subalit nakapasa dahil gumamit ng magic o pitsa? Get’s n’yo mga kosa?
Kaya para maiwasan ang ganitong klaseng mga pulis, minabuti ni Eleazar na tuldukan na ang matandang kinaugalian na «padrino system» para makapasok ang aplikante sa PNP. Mahigpit na minomonitor ni Eleazar ang recruitment process sa iba’t ibang PNP headquarters sa bansa para hindi makalusot ang mga dispalinghadong applicant. Mismooooo! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang talaga, ‘no mga kosa?
Pinayagan ng Napolcom na mag-recruit ng 17,000 na pulis sa liderato ni Eleazar at sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Ronnie Olay na ang «the best and brightest» na ang pipiliin. Gagamit na kasi ng QR Code ang PNP kung saan walang nakalagay na pangalan ng aplikante at imbes ang makikita lang ay ang kanilang personal na impormasyon nang sa gayon maiwasan ang «padrino system,» pati na ang corruption. Nasa tamang landas lang si Eleazar, ‘no mga kosa? Kaya sa mga natitirang tiwaling pulis diyan, magbago na kayo! Abangan!
- Latest