USAP-USAPAN daw ngayon sa Rizal, Nueva Ecija na nabayaran daw ni Hilbert Villanueva ang BITAG.
Ito raw ang dahilan kaya tumahimik na ako at ang aking programa sa pagpapalabas ng mga reklamo laban sa municipal accountant ng probinsiya na si Villanueva.
Marami ang nagmensahe sa aming Facebook page na eto nga raw ang kumakalat na balita sa kanilang lugar kaya minabuting pinaabot na nila ito sa BITAG.
Kung inyong natatandaan, si Villanueva ay ‘yung inireklamo ng barangay accountants sa Rizal, Nueva Ecija dahil sa kabastusan, kayabangan, panduduro at pamamahiya nito.
Dahil lamang mali ang spelling ng salitang “withdrawal,” nilait at pinahiya niya sa harap ng pagpupulong ang barangay accountant.
Habang ang isa pang biktima, kinutya at hinamon naman niya ng suntukan dahil lang sa pagkakamali sa report nito.
Siya rin ang inireklamo ng dalawang barangay captain kung saan kailangang may “hatag” daw ito sa bawat proyekto ng barangay.
May bagman pa raw umano si Villanueva na kumukuha ng pera mula sa budget ng proyektong inaprubahan.
Nabayaran mo raw ang BITAG, Hilbert Villanueva? Sorry to disappoint you, subalit hindi nababayaran ang BITAG!
Hindi kami nananahimik. Sa katunayan, kasalukuyan naming inaasistehan ang mga nagrereklamo na magsampa ng pormal na kaso laban sa’yo sa Civil Service Commission (CSC).
At dahil pumutok ang isyung ito, sosorpresahin na rin kita. Tutal pinagtaguan mo ang BITAG nang maraming beses.
Ginawa mo pang tanga ang iyong mayor nang sabihin mong sasagot ka sa aming tawag. Kaya pupuntahan na lang kita para personal tayong makapag-usap.
Naging busy lang ako nitong mga nakaraang linggo dahil sa field investigation ng BITAG Investigative Team sa iba’t ibang probinsiya.
Huwag kang mag-alala, susunod ka na.