NAGMENSAHE muna sa BITAG ang isang local news co-anchor sa Isabela bago inutang ang sariling buhay.
Alas-kuwatro ng madaling araw, nagpadala ng direct message sa BITAG Live Facebook Page si Julie del Rosario a.k.a July Grospe. Durog na durog na raw siya at BITAG ang kanyang nilapitan upang makatulong sa kanyang dinaranas.
Ang nakakalungkot na pangyayari, tatlong oras matapos niyang magmensahe sa BITAG ay nagpatiwakal si July. Eto ang naging dahilan ng biglaang paglipad ng BITAG sa Isabela noong nakaraang linggo.
Sumbong ng namayapang si July, matindi ang pamamahiyang ginagawa sa kanya ng diyaristang umano’y binayaran ng mayor ng Benito Soliven, Isabela na si Mayor Roberto Lungan.
Nagsimula umano ang problema nang halikan siya ni Mayor Lungan sa harap ng publiko. Ipina-blotter niya ito sa pulis at nailabas sa programa sa radio ni July kasama ang kanyang partner sa radio na nagngangalang Rommel Mendi.
Pinanood ko ang nasabing streaming. Si July, makikitang tahimik lamang at halos nakikinig na lang sa kakadakdak ng kanyang partner na si Mendi. Ang kolokoy na Mendi ang panay banat sa mayor.
Kung pagbabasehan ang mensahe ni July sa BITAG, ginawang tirador ni Mayor ang diyarista namang nagngangalang Wilfredo Jun Berganio.
Inaraw-araw sa pahayagan at Facebook Live ni Berganio si July. Tinawag itong adik, sinu-ngaling at kung anu-ano pang masasakit na salita na nakasira raw ng pagkatao ni July.
Ang masaklap, nang gumanti ang pobre ay siya pa ang idinemanda ng cyber libel at nagkaroon ng warrant of arrest.
Sinarapan ang diyaristang si Berganio. Naglabas ito ng video sa Facebook na magbibigay siya ng singkuwenta mil para sa ulo raw ni July. At kapag nanlaban, dodoblehin umano ang pabuya kung maibibigay ang putol na daliri nito.
Sagot ni Berganio sa BITAG noong kinumpronta ito, “hindi niya raw alam na aabot sa pagpapakamatay ang lahat”.
Maging si Mayor Lungan, nagulat sa pangyayari. Ang alam niya raw ay nagkapatawaran na sila ng biktima.
Panoorin ang detalye nito sa BITAG Live sa PTV4 sa mga susunod na araw.