Dear Attorney,
Mahigit 30 taon na po kaming nangungupahan. Matanda na po ang landlord namin at may nababalitaan po kami na baka ibenta po ng anak niya ang bahay at lupang inuupahan namin ngayon sakaling manahin na niya ang mga ito. Gusto ko lang po sanang malaman kung maari pa po ba kaming paalisin sa inuupahan namin kahit sobrang tagal na namin. — Mike
Dear Mike,
Kahit pa 100 taon na kayong nangungupahan, wala kayong magagawa kung gugustuhin na ng may-ari ng bahay at lupa na ibenta ito.
May karapatan ang may-ari ng isang bagay na magpasya kung papaano niya gagamitin ang kanyang pagmamay-ari at dahil hindi naman kayo ang may-ari ng bahay at ng lupang tinitirahan n’yo ngayon ay limitado lamang ang inyong karapatan sa pag-okupa nito alinsunod sa naging kasunduan n’yo ng may-ari nito na nagpapaupa sa inyo.
Ang tanging karapatan n’yo lamang ay ang hindi mapaalis ng basta-basta sa inuupahan ngayon. May karapatan kayong manatili hangga’t hindi natatapos ang panahong napagkasunduan na uupahan n’yo ang bahay at lupang tinitirahan n’yo ngayon.
Hindi rin kayo maaring kaladkarin palabas ng inuupahan n’yo dahil maari kayong magsampa ng kasong kriminal kung nagkataon. Upang pisikal na mapaalis kayo sa bahay at lupang inuupahan n’yo ay kailangan ng may-ari na magsampa ng kaso sa korte na magbibigay ng utos sa mga awtoridad upang kayo ay mapaalis sa inyong inuupahan.
Kung sakaling mangyari na nga ang pinangangambahan mo at ibebenta na nga ng bagong may-ari ang inuupahan n’yo ay tanging ang makiusap ang maari mong gawin.
Pakiusapan mo ang bagong may-ari na mabigyan sana kayo ng dagdag na panahon upang kayo ay makahanap ng malilipatan lalo na’t napakatagal n’yo na rin namang nangungupahan sa kanila.