May kapabayaan nga ba ang ospital na ito?
HINDI pa man natatapos ipalabas ng BITAG ang buong resulta ng aming imbestigasyon sa reklamo laban sa Zamboanga del Sur Medical Center, isa na namang pampublikong ospital ang inireklamo sa aming tanggapan.
Ang sumbong: 9 na buwan na buntis, hindi pinansin at inasikaso sa James L. Gordon Memorial Hospital sa Olongapo.
Kuwento ng mga kamag-anak na kasama ng pasyente, kung hindi pa tumirik ang mata at lumawit ang dila ng buntis, hindi pa ito aasikasuhin. Ang malungkot na pangyayari, namatay ang ina at ang sanggol na nasa sinapupunan nito.
Magkahalong awa at galit ang naramdaman ko habang nagkukuwento ang pamangkin ng biktima. Aniya, “ilang nurse ang nilapitan ko para asikasuhin kami pero ang sagot lang ay wala pang bakanteng oxygen kaya mag-intay lang…”
Ang mister ng pasyente, buhay pa nang madatnan sa ospital ang kanyang misis. Namimilipit sa sakit at nagmamakaawang matingnan na ng mga medical staff ng ospital.
Ayon sa mister, tatlong nurse ang pinakiusapan niya para tingnan ang kanyang misis. Subalit wala sa mga ito ang lumapit para sila asikasuhin.
Nang magkagulo na umano sa triage kung saan naroon ang pasyente, nagsisigaw na ang mga kamag-anak dahil sa nangingitim na ito – saka lamang daw may mga lumapit na medical staff.
Huli na ang lahat, binawian na ng buhay ang pasyente. Hindi rin natanggal agad ang sanggol sa sinapupunan dahil umano’y walang pambiyak o panghiwa ng tiyan ang ospital.
Nakausap ng BITAG ang Chief Doctor ng James L. Gordon Memorial Hospital, itinanggi nitong may kapabayaan ang kanilang medical staff.
Ganunpaman, bukas ang kanyang tanggapan at ang ospital para sa isasagawang imbestigasyon ng BITAG. Ganundin ang muling pakikipag-usap sa nagdadalamhating pamilya.
Mabuti pa ang ospital na ito, nakikipagtulungan. Hindi tulad ng Zamboanga Del Sur Medical Center, tinaguan kami makailang beses. Hinamon ang BITAG na mag-imbestiga sa probinsiya, tinungo namin pero tumangging humarap at magsalita.
Sa sumbong na ito, tulad ng ginawa ng BITAG sa ZDSMC ay iisa-isahin naming ang mga sangkot. Ang mga naunang doktor at ospital na pinuntahan ng biktima, kasama rin sa aming magiging imbestigasyon.
Abangan ang mga susunod na detalye.
- Latest