EDITORYAL - ‘Utak pulbura’
MARAMING pulis ang ‘‘utak pulbura’’. Sila yung mga pulis na ipinagmamalalaki ang kanilang baril at sa kaunting gusot o di-pagkakaunawaan ay namamaril nang walang habas. Lalo nang lumalakas ang loob kapag nakainom ng alak at wala nang sinisino at mistulang sinasapian na ng demonyo para pumatay gamit ang kanyang baril.
Ang mga pulis na “utak pulbura’’ ang isa sa mga nararapat na supilin ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar. Naniniwala kami na dapat idaan sa neuro-psychiatric exam ang lahat ng pulis para malaman ang kalagayan ng kanyang pag-iisip. Mahalaga ito para hindi malagay sa panganib ang mamamayan. Kailangang dumaan sa maraming exam ang aplikante na magpupulis. Maipatupad sana ito sa termino ni Eleazar para wala nang pulis na “utak pulbura’’.
Noong Lunes ng gabi, isa na namang pulis na “utak pulbura’’ ang umutang ng buhay. Binaril at napatay ni Police Master Sgt. Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group ang 52-anyos na si Lilybeth Valdez sa Sitio Ruby, Bgy. Greater Fairview, Quezon City. Lasing si Zinampan nang sabunutan at barilin ang biktima. Nakunan ng video ang pagbaril ng pulis. Ayon sa babaing anak ng biktima, nagkaroon ng alitan ang pulis at ang asawa at anak ng biktima. Nagsuntukan umano ang mga ito at natalo ang pulis.
Nang interbyuhin si Zinampan, sinabi nito na naipong galit ang dahilan kaya niya binaril ang biktima. Gigil na gigi naman si General Eleazar nang makaharap si Zinampan at ilang ulit na isinalya sa pader. Pinakakasuhan na ito ni Eleazar at pinasisibak na serbisyo. Labing-apat na taon sa serbisyo si Zinampan.
Noong Disyembre 20, 2020, binaril din ng pulis na si MSgt. Jonel Nuezca ang mag-inang Sonia at Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac. Nag-ugat ang pamamaril dahil sa pagpapaputok ng boga ng biktima. Dati na rin umanong may alitan ang pulis at ang mga biktima.
Ituloy ni Eleazar ang paglilinis sa PNP at isa sa mga dapat matutukan ay ang maayos at tamang pag-recruit sa mga pulis. Mag-ingat at baka ang makuha ay mga “utak pulbura’’. Manganganib ang mamamayan sa mga ganitong pulis.
- Latest