ISANG lalaki mula sa Illinois ang napilitang tumigil sa kolehiyo para magsilbi bilang sundalo noong World War 2.
Pagkaraan ng mahigit 80 taon, natapos niya ang kanyang pag-aaral sa edad na 97!
Estudyante noon sa Lincoln College si Bill Gossett ngunit nagsimula na ang World War 2 at nag-enlist na siya sa U.S. Army Air Corps kaya hindi na niya natapos ang kanyang kurso.
Pagkatapos ng giyera, nakabalik siya nang ligtas sa kanyang pamilya. Ngunit hindi na siya nakabalik sa pag-aaral dahil inatasan siya ng kanyang ama na siya na ang magpatakbo ng kanilang family business na Gossett’s Cleaners.
Ayon kay Gossett, kahit gustung-gusto na niyang makapagtapos noon, hindi na niya ito maisingit sa dami ng responsibilidad niya sa kanilang negosyo.
Dahil pursigido pa rin na makatanggap ng diploma, lumapit si Gossett sa Lincoln College noong 2019 para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Humanga ang mga opisyal ng Lincoln College sa determinasyon ni Gossette at sa kabutihang palad, na-credit pa rin lahat ng mga units na kinuha niya noong 1940s.
Nakumpleto ni Gossett ang Associate of Arts degree niya noong 2020 pero dahil sa COVID-19 pandemic kailangan niyang maghintay ngayong 2021 para makadalo sa graduation ceremony.
Sa kanyang pagmartsa, sinorpresa siya ng mga opisyal ng Lincoln College ng Honorary Doctorate of Humane Letters bilang pagkilala sa kanyang determinasyon na makapagtapos ng kolehiyo.