EDITORYAL - Tag-ulan na!
SABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na sumapit na ang tag-ulan. Pinagbasehan ng PAGASA ang pagdedeklara ng tag-ulan ang 25 millimeters ng ulan sa loob ng tatlong sunud-sunod na araw.
Noong Linggo ng hapon, umulan nang malakas sa maraming lugar sa Metro Manila na nagdulot nang pagbaha. Hindi lamang ulan ang malakas kundi pati na rin hangin. Noong Lunes, umulan muli dakong hapon na nagdulot muli ng pagbaha sa mababang lugar. Kahapon, muling umulan pero hindi katulad noong Linggo at Lunes. Sabi ng PAGASA, wala namang namamataang sama ng panahon sa susunod na tatlo hanggang limang araw.
Narito na ang tag-ulan at siyempre ang problemang baha. Taun-taon, kahit pa sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkaroon na sila ng paglilinis ng mga drainages, problema pa rin ang baha. Marami pa ring nakabarang plastic na basura. Ang mga plastic ay hindi natutunaw kaya habambuhay itong nakabara sa mga daanan ng tubig. Walang ibang paraan kundi ibawal ang single-use plastic.
Sa panahon ng tag-ulan maraming sumusulpot na sakit – dengue, leptospirosis, malaria at iba pa. Makikipagsabayan ang mga sakit na ito sa COVID-19 na kasalukuyang nananalasa hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Posibleng kumalat ang COVID sa evacuation centers. Kadalasang kapag nagkaroon ng bagyo at baha, inililikas sa evacuation centers ang mga apektado at dito sila posibleng magkahawahan.
Baha at sakit ang dulot ng tag-ulan kaya nararapat na mag-ingat. Habang may panahon pa, ipagpatuloy ng DPWH, MMDA at LGUs ang paglilinis sa mga estero at kanal para maging maayos ang daloy ng tubig-baha.
Wasakin ang mga posibleng tirahan ng lamok na nagdudulot ng dengue at malaria. Linisin ang kapaligiran para walang mabuhay na daga na nagdudulot ng leptospirosis. Ang leptispirosis ay nagmumula sa ihi ng daga.
- Latest