EDITORYAL - Dagdagan pa, nagpapatrol sa West Philippine Sea
SA wakas may nagpapatrulya nang dalawang barko ng Pilipinas sa Pag-asa Island at Mischief Reef. Malaking bagay na ito para malaman ng China na hindi naman pala basta sumusuko ang Pilipinas at pinaglalaban ang karapatan sa pinagtatalunang teritoryo. Kahit dalawang barko lang ang naroon, kahit paano may nagbabantay sa galaw ng China. Maraming naghihinala na kaya sandamukal ang mga barko ng China sa WPS ay mayroon na naman silang ginagawang istruktura sa mga bahura. Noong 2014, pitong artipisyal na isla ang ginawa nila sa inaangking teritoryo at ginawang military facilities. Nilagyan nila ng tatlong runway para sa deployment ng kanilang fighter jets.
Mabilis silang gumawa ng istruktura sa mga reefs. Iglap lang ay mayroon nang mga pasilidad. At ito ang ikinatatakot nang nakararaming Pilipino na baka magising na lang isang umaga ay angkin na ng China ang mga isla sa WPS at may mga istruktura na. Kaya mahalaga na mayroong nagbabantay sa mga naipanalong teritoryo. Noong 2015 nanalo ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration na nagsasabing may sovereign rights ito sa West Philippine Sea at ang sinasabi ng China na “nine-dash line” ay invalid.
Maganda namang marinig kay President Duterte na nagsabing hindi niya paalisin ang mga barko ng Pilipinas na nagpapatrulya sa WPS. Ito ang unang pagkakataon na kinampihan niya ang pagpapatrulya ng mga barko ng Pilipinas. Madalas ay lagi niyang sinasabi kapag napag-uusapan ang pambu-bully ng China o ang pamamalagi ng mga barko nito sa WPS ay wala siyang magagawa ukol dito. Inutil daw siya. Sabi pa niya, hindi niya kayang makipag-away sa China kung dahil lamang sa mga isda na nahuhuli sa WPS. Nagrereklamo kasi ang mga Pinoy fishermen dahil wala na silang nahuhuli dahil sa presensiya ng daan-daang barko ng China. Malaki raw kasi ang utang na loob ng Pilipinas sa China at isa na ang mga donasyong bakuna.
Mabuti at nagsalita siya na kahit katiting daw na pulgada ay hindi niya paaatrasin ang mga barko ng bansa na nasa Pag-asa Island at Mischief Reef. Ito ay kahit patayin daw siya ng China at kahit pa dito matapos ang kanilang pagkakaibigan.
Magandang marinig ito sa Presidente. Mas maganda kung dadagdagn pa ang mga barkong nagpapatrulya sa WPS.
- Latest