EDITORYAL - ‘Padrino system’ sa PNP

MARAMING miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nakapasok sa serbisyo dahil sa ‘‘padrino system’’. May ipinasok ng pulitiko, kaibigan at kumpare ng police official, at ng mga kilalang personalidad. Kahit na hindi qualified at walang sapat na pagsasanay ang ipinapasok na mag­pupulis, tinatanggap dahil ayaw mapahiya sa naki­kiusap. Kahit undergraduate ang ipinasok, tina­tanggap na. Ang resulta ng “padrino system”, nadu­ngisan ang PNP. Bagama’t hindi naman lahat nang naipasok sa pamamagitan ng “padrino system’’ ay palpak, mas marami ang nagdulot ng kahihiyan sa pambansang pulisya. May nasangkot sa illegal drugs, kidnapping, pangongotong at iba pang masamang gawain. Karamihan din sa mga pulis na bunga ng padrino system ay abusado, mainitin ang ulo at laging­ ipinagyayabang ang baril sa tagiliran.

Ang ganitong sistema ang gustong wasakin ng bagong upong PNP chief Gen. Guillermo Eleazar. Titiyakin daw niya na daraan sa tamang recruitment process ang mga aplikante. Wala na raw ang naka­ugaliang pagbibigay ng referral letter na galing sa kung sinong maimpluwensiya. Ayon kay Eleazar, ang mga referral letter ang pinagmumulan ng korapsiyon sa PNP. Sa pagkuha ng mga bagong recruit, ang pagbabasehan ay ang talino, galing at kapa­sidad ng aplikante. Ayon kay Eleazar, sisimulan niya ang pagpili sa mga recruit ngayong taon na ito. Target niyang kumuha ng 17,000 recruits. Ang bilang na ito ang papalit sa mga tinanggal na pulis dahil sa korapsiyon.

Sana totoo na ang mga sinabing ito ni Eleazar ukol sa pagre-recruit ng mga magpupulis. Dapat ding idaan sa neuro-psychiatric exam ang mga recruit para matiyak kung fit na fit ang kanilang isipan sa papasuking propesyon. Marami nang pang­yayari na may mga pulis na makati ang daliri­ sa gatilyo. Halimbawa ay ang pulis sa Tarlac na binaril nang malapitan ang mag-ina noong Disyem­bre 2020.

Marami nang hepe ng PNP ang nangako ng pagbabago sa PNP pero lahat ay napako. Sana hindi ito mangyari sa termino ni Eleazar. Sana maging kakaiba siya sa mga naging PNP chief.

 

Show comments