EDITORYAL - Babala sa mga pasaway sa face mask
SUMUSUNOD naman ang mamamayan sa health protocols gaya nang pagsusuot ng face mask at face shield. Ang problema, may mga pa-saway na mali ang pagsusuot ng face mask. Karaniwang makikita na may mga naka-face mask pero nakalabas naman ang ilong. Meron naman na ang face mask ay nasa baba (chin). Mayroon din naman na ang face shield ay nasa ulo.
Sabi ng Department of Health (DOH) kapag hindi lubusang natakpan ng facemask ang ilong at bibig, dito papasok ang virus na galing sa mga taong infected. Mabilis maglakbay ang virus na kasama ng droplets na ibinahin, iniubo o maski nagsalita ng mga COVID infected. Kapag hindi nakoberan ang bibig at ilong, malaking porsiyento na mahawa.
Ang pagsusuot ng face shield ay mahalaga sapagkat bukod sa mahaharang nito ang droplets, maiiwasan din na mahawakan ang ilong, bibig at mata.
Ang mga pasaway sa hindi tamang pagsusuot ng face mask ay binalaan ni President Duterte noong Miyerkules sa kanyang national address sa TV. Sabi ng Presidente, arestuhin at ikulong ang mga lumalabag sa pagsusuot ng face mask. Mula nang tumama ang pandemya, mahigit isang taon na ang nakararaan, ngayon lamang nag-utos ng ganito ang Presidente. Marahil napuno na siya sa dami ng mga pasaway dahilan para dumami ang mga nahahawahan ng virus. Halos araw-araw ay mataas ang kaso ng COVID. Kahapon, nakapagtala ang DOH ng mahigit 7,000 kaso.
Sabi ng Presidente, siyam na oras ikulong ang mga mahuhuli na walang face mask. Marami raw na nagsusuot ng face mask pero for compliance lang. Naglalagay ng mask pero nakalabas ang ilong. Kaya ang utos niya sa PNP, arestuhin ang mga walang face mask at ang mga hindi maayos na pagsusuot nito. Imbestigahan aniya ang mgha ito kung bakit hindi sumusunod sa pinag-uutos.
Sumunod sa utos. Ito ang mahalaga ngayon para makaiwas sa virus. Huwag hintayin na magaya ang Pilipinas sa India na sobrang taas ng kaso at libo ang namamatay araw-araw. Makiisa ang lahat.
- Latest