EDITORYAL – Maraming nagugutom
DATI nang may nagugutom na mga Pinoy. Pero mas dumami ang mga ito mula nang manalasa ang pandemya noong nakaraang taon. Sa isinagawang survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong Nobyembre 3 hanggang Disyembre 3, 2020, anim sa bawat 10 Pinoy ay nakaranas ng kakulangan sa pagkain.
Lumabas din sa survey ng FNRI na 71.7 percent ng pamilya ay nakakabili ng pagkain sa pamamagitan ng pangungutang samantalang ang 66.3 percent ay nangungutang sa kanilang kamag-anak o kapitbahay para makabili ng pagkain. Idinagdag pa sa survey na labis na naramdaman ang kakapusan sa pagkain sa pagitan ng Abril at Mayo dahil sa pinairal na enhanced community quarantine (ECQ). Marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga pabrika at establisimiento.
Ang problema sa kakulangan ng pagkain ay maliwanag na nakikita sa mga taong humuhugos sa community pantries sa maraming lugar sa bansa. Wala silang pagkain kaya ang karamihan sa kanila ay pumipila kahit alas tres ng madaling araw. Ang community pantry ang kanilang inaasahan na sasagip sa kanilang kagutuman. Ang unang community pantry ay sinimulan sa Maginhawa Street, Quezon City at ngayon ay nagsulputan nang parang kabute sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ito ay sa kabila na pinararatangang “makakaliwa” ang organizers ng community pantry.
Hindi lamang mga pagkain ang handog ngayon ng mga community pantries. Nagkakaloob na rin sila ng mga gamot at bitamina sa mga walang-wala at nangangailangan sa komunidad. Bukod sa gamot, mayroon na ring nagbibigay nang lugaw at taho para sa mga taong kumakalam ang sikmura sa gutom.
Lulubha pa ang pagkagutom ngayong may pandemya kaya nararapat gumalaw ang pamahalaan para hindi dumanas pa nang grabeng kagutuman ang masa. Huwag iasa sa mga community pantry ang pagpapakain sa mga nagugutom. Kailangang lumikha ng trabaho ang pamahalaan para ganap na maiwasan ang pagkadayukdok ng mamamayan. Mas maraming magagawa ang pamahalaan kung gugustuhin lang. Kung ang mga organizer ng pantry ay nakaisip nang magandang paraan, ano pa ang pamahalaang may pondong nakalaan.
- Latest