Tsismis, mabuti sa tao
ANG tsismis na tinatawag ding bali-balita, sabi-sabi, alingasngas o usap-usapan ay karaniwang kinaiinisan sa lipunan natin. Pero kalimitang nangyayari naman ang tsismis kung walang nagkukumpirma kung totoo ito o hindi. Tila siya fake news. Walang maipakitang ebidensiya. May pagkakataon namang, dahil sa tsismis, may mga kumikilos para ito mapatunayan o mapasinungalingan.
Merong tsismis na kasiraan sa ibang tao o lugar o institusyon o sektor o organisasyon. May mga pagkakataon namang, dahil sa mga paghihigpit sa paglalabas ng mga totoong pangyayari sa isang lipunan tulad ng nangyari noong panahon ng martial law, kumakalat na lang ito sa pamamagitan ng tsismis na nagmumukhang totoo sa pagdaan ng mahabang panahon lalo na kung walang matibay na pruweba o magpapatunay kung totoo ito o kasinungalingan.
Pero, ayon sa isang bagong pag-aaral na isinagawa ng ilang mga researcher sa Darmouth College, isang pribadong Ivy league research university sa Hanover, New Hampshire, United States, nakakabuti sa tao ang pagpapakalat ng tsismis. Nakakapagpalusog anila sa kaluluwa ng tao ang tsismis.
Marami ang nagtuturing na halos isang kasalanan ang tsismis pero isinaad sa naturang pananaliksik na, sa tsismis, nahihikayat ang mga tao na makipag-ugnayan sa isa’t isa at merong mga natututunan sa mundo sa pamamagitan ng pakikinig sa karanasan ng ibang tao.
“Ang tsismis ay isang kumplikadong anyo ng komunikasyon na malimit na hindi nauunawaan,” sabi no post-doctoral researcher Eshin Jolly sa isang pahayag sa New York Post. “Maaaring isa itong paraan ng social at substantive connection na higit pa sa tipikal na negatibong paniniwala rito.”
Si Jolly na isang researcher ng Computational Social Affective Neuroscience Laboratory (COSAN) ang isa sa sumulat sa pag-aaral kasama si Luke Chang na isang assistant professor at director ng COSAN Lab sa Dartmouth. Ginawa nila ang pag-aaral para malaman kung bakit nakikipagtsismisan ang mga tao at nagpapalitan ng impormasyon sa personal na buhay ng isa’t isa.
Lumitaw sa pag-aaral kung paanong ang tsismis ay isang rich, multifaceted communication na may maraming layunin sa loob ng grupo ng mga tao. Maraming klase ng tsismis ang lumalabas depende sa dami ng nakalaang impormasyon. Kapag konti ang impormasyon, lalong nagkakaroon ng kusang pag-uusap ang mga tao. Sa mga kalahok sa pag-aaral, itinuring nilang magandang balita ang segunda manong detalye hinggil sa kanilang mga partner at umaasa sa impormasyon para patuloy na makabalita.
Lumilitaw din sa pananaliksik na ang mga taong nag-uusap sa isa’t isa ay nagkakaroon ng bonding at nakakadama ng malakas na koneksyon.
“Sa pagpapalitan ng impormasyon sa isa’t isa, ang tsismis y nagiging isang daan sa pagbubuo ng relasyon. Sangkot dito ang tiwala at humuhugis ng isang social bond na lalong napapalakas habang nagkakaroon ng ibayong komunikasyon,” paliwanag ni Chang na nagdiin na hindi dapat ituring ang tsismis na isa lang walang basehang basurang usap-usapan.
“Nagiging makabuluhan ang tsismis dahil tinutulungan nito ang mga tao na matuto sa pamamagitan ng karanasan ng iba habang sa proseso ay nagiging malapit sila sa isa’t isa,” dagdag ni Jolly.
Email: [email protected]
- Latest