PLANO ng Department of Education (DepEd) na buksan ang school year 2021-2022 sa darating na Agosto 23. Ayon sa DepEd, nakasaad sa Republic Act 11480 na nararapat buksan ang school year nang hindi lalalampas sa huling araw ng Agosto. Ang RA 11480 ay nilagdaan ni Presidente noong nakaraang taon. Sa ilalim din ng batas nakasaad na ang Presidente lamang ang may huling pagpapasya kung bubuksan ang klase sa panahon ng emergency o kung may kalamidad.
Ang Presidente rin ang magpapasya kung ibabalik na ang face-to-face classes. Sinuspende ang face-to-face classes noong nakaraang taon dahil sa pananalasa ng COVID-19. Nabago ang pamamaran ng pagtuturo kung saan naging online ang ugnayan ng guro at estudyante. Ang mga estudyanteng kapos sa pambili ng gadgets ay printed modules ang dinidiliber ng mga guro. Dinadala buwan-buwan sa mga bahay ng estudyante ang modules para makasabay sila sa pag-aaral.
Nagpapahiwatig ang DepEd na maaari nang buksan ang face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19. Ayon sa report, may mga lugar sa bansa mababa na ang kaso at pinag-aaralan na nila kung uubra nang ibalik ang face-to-face clas-ses. Noong Disyembre 2020 nagkaroon ng pilot testing ang DepEd sa mga lugar na mababa ang kaso para maibalik ang face-to-face classes pero hindi pinayagan ng Presidente dahil sa dumaraming kaso ng COVID.
Isa marahil sa mga dahilan kung bakit gusto ng DepEd na maibalik na ang face-to-face classes ay dahil sa lumabas na SWS surbey na 46 percent ng magulang ang nagsabi na hindi sila tiyak kung may natututunan ang kanilang anak sa online classes o distance learning.
Dapat pag-isipan muna ng DepEd ang balak na pagbabalik ng face-to-face classes. Hindi basta-basta ang planong ito sapagkat ang kalusugan ng mga estudyante ang nakataya. Sa kasalukuyan, mataas ang kaso ng COVID at kung hahayaan ang face-to-face posibleng maraming estudyante ang tatamaan. Hindi lang estudyante kundi pati na mga guro.
Mas makabubuti na buksan ang face-to-face kapag nabakunahan na lahat ng mamamayan. Sabi ni vaccine czar Carlito Galvez maaaring magkaroon na ng mass vaccination sa Hunyo at bago matapos ang taon, naabot na ang herd immunity.
Huwag munang magmadali sa face-to-face classes. Huwag munang isubo sa peligro ang mga estudytante.