IISA ang estilo ng J&T Express sa kanilang mga empleyado sa buong bansa – mang-iwan sa ere at gutumin ang kanilang mga empleyado.
Kamakailan, 70 riders and sorters ng J&T Express, Valenzuela Branch ang lumapit sa BITAG. Pagkatapos silang i-floating nang ideklara ang ECQ, hindi na sila kinausap pa ng J&T Express.
Kinastigo sila ni Mayor Rex Gatchalian sa harap ng kanilang empleyado. Akalain mong hindi lang pala ‘yun ang unang beses na ipinatawag sila ni Mayor Rex – pasaway daw talaga kayo.
Kundi pa sa utos ni Mayor Rex, maipapasara na “naman” ang warehouse nitong J&T Express sa Valenzuela.
Noong Huwebes, 65 riders at sorters naman ang muling dumagsa sa aming tanggapan. Ang kanilang inirereklamo – J&T Express sa Quezon City.
Muli, parehung-pareho ng reklamo sa J&T Express Valenzuela. Pinagpahinga nang magdeklara ng ECQ sa NCR at hanggang ngayon, walang balita ang mga empleyado.
Mismong riders at sorters ang gumagawa ng paraan na makausap ang pamunuan ng J&T Express. Para linawin kung sila ba ay bibigyan pa ng schedule, may trabaho pa o tanggal na.
Ang problema rito sa kolokoy na J&T, mahilig mandedma. Walang sumasagot sa mga telepono sa opisina, mobile number ng HR o ng taong may posisyon sa kompanya.
Walang pakialam kung magkandamatay sa hirap at gutom ang kanilang mga naghihintay at nagmamakaawang empleyado. Siguro’y hinihintay na lang ng J&T na manawa kakokontak sa kanila ang mga nangungulit na empleyado.
Kundi ba naman kayo sandamakmak na ipokrito sa J&T Express, nang mauso ang community pantry, sinakyan n’yo ang kaganapan.
May pabigay-bigay pa kayo ng mga pagkain at tulong kuno sa iba habang ang sarili n’yong mga empleyado, pinapabayaan, ginugutom at pinaaasa n’yo.
Mahirap bang kausapin, paliwanagan ang mga empleyado n’yo? O talagang estilo n’yong mandedma, mang-iwan sa ere, bahala ka diyan?! Matatawag kong modus itong pamamaraan n’yo J&T, wala kayong karapatang magnegosyo!
Para sa mga bagong nagrereklamo, inilapit namin ito sa butihing mayor ng Quezon City na si Joy Belmonte. Hindi nagustuhan ni Mayor Belmonte ang ginagawang ito ng J&T Express na hindi lang iisa ang opisina sa Quezon City.
Ayon kay Mayor Belmonte, ipatatawag niya ang pamunuan ng J&T Express upang sagutin at iharap sa kanilang mga empleyado. Magbibigay rin ng food packs at tulong pinansiyal ang tanggapan ni Mayor para sa mga pobreng empleyado.
J&T Express, mahiya kayo sa balat n’yo!