Problemado sa pinirmahang quitclaim

Dear Attorney,

Magsasara na po ang kompanyang pinapasukan ko. Dahil marami sa amin ang matatanggal ay nag-aalok ang pamunuan ng kompanya ng final pay kapalit ng pagpirma ng quitclaim. Hindi po ba illegal ang kapalit na pagpirma ng quitclaim na hinihingi nila? —Lanie

Dear Lanie,

Bagama’t hindi pabor ang ating batas sa pagpapapirma sa mga empleyado ng quitclaims at waivers, hindi naman ibig sabihin nito ay illegal na  palagi ang mga ito at wala na kaagad bisa.

Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Goodrich Manufacturing Corporation v. Ativo (G.R. No. 188002, February 1, 2010), hindi kikilalanin ang quitclaim ng mga empleyado kung napatunayang pinirmahan lamang nila ito dahil sa panggigipit o kaya’y panloloko sa kanila ng kanilang kompanya.

Ayon din sa kaso Goodrich, kikilalanin naman ng korte at bibigyan ng bisa ang quitclaim kung maipapakita ng employer na (1) boluntaryong ginawa at pinirmahan ng empleyado ang quitclaim; (2) walang nangyaring panloloko sa pagitan ng employer at employee patungkol sa ginawang quitclaim; (3) kapani-paniwala at reasonable ang natanggap ng mga emple­yado bilang kapalit ng pagpirma nila ng quitclaim; at (4) hindi labag sa batas o moralidad ang ginawang quitclaim at hindi ito nagdudulot ng pagkaagrabyado sa ibang taong walang kinalaman sa nasabing quitclaim.

Tingnan mo muna ang mga kondisyon na kaakibat ng quitclaim. Kung patas naman ang quitclaim at walang magiging pagkukulang sa mga dapat matanggap ninyo ay hindi ka dapat mangamba na illegal at walang bisa ito.

Kung halata namang pabor lamang ito sa kompanya niyo at ginawa lamang ito para sila’y makaiwas sa kanilang mga responsibilidad bilang employer ay makakasigurado kang hindi magkakaroon ng bisa ang quitclaim kahit pirmahan n’yo pang lahat ito.

 

Show comments