MARAMI ang nagdarasal na humupa na sana ang pandemya para bumalik sa normal ang pamumuhay nang marami sa buong mundo. Mahigit isang taon nang sakmal ng pandemya ang mundo at kung hindi pa huhupa ang pananalasa ng virus, magpapatuloy ang abnormal na buhay. Magpapatuloy ang takot na nararamdaman ng bawat isa kapag lalabas ng bahay sapagkat maaaring makakuha ng virus. Magpapatuloy din ang kahirapan sapagkat marami ang nawalan ng hanapbuhay mula nang ipatupad ang lockdown. Hanggang sa ngayon, bawal pang buksan ang mga establisimento para mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga nagkaka-infection.
Isa sa mga nakararanas nang pagkatalo sa panahong ito ng pandemya ay ang mga estudyante. Mula nang manalasa ang COVID-19 noong nakaraang taon, itinigil na ang face-to-face classes at pawang distance learning ang ipinatupad. Pag-aaral sa online. Kailangang may gadgets ang mga estudyante para makasunod sa mga itinuturo ng guro online. Ang mga estudyanteng walang gadgets at nasa mga liblib na lugar, printed manuals ang ibinibigay ng mga guro.
Pero sa surbey ng Pulse Asia na ginawa mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, wala pang 46 percent ng mga magulang ang nagsabi na natututo ang kanilang mga anak sa distance learning. Ibig sabihin, duda sila na mayroong natututunan ang mga anak sa bagong sistema ng pag-aaral.
Nagpapakita lamang ito na walang kalidad ang pag-aaral online at mas maganda talaga ang face-to-face classes. Pero maaari rin namang hindi nagagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak kaya nasasabi nilang walang natututunan ang mga ito. Sabi ng Department of Education (DepEd) sa pagsisimula ng distance learning noong nakaraang taon, kailangan ang gabay ng mga magulang habang nag-aaral online. Subaybayan at tanungin kung ano ang mga hindi naintindihan.
Nararapat na silipin ng DepEd ang problemang ito. Baka ang mangyari ay ipasa na lang nang ipasa ang mga estudyante kahit walang nalalaman o natutunan. Dito magsisimula ang paghina ng kalidad ng edukasyon. Maraming ga-graduate pero walang alam o natutunan.