NAG-UMPISA ang community pantry sa Maginhawa St. sa Quezon City na sinimulan ni Ana Patricia Non noong nakaraang linggo. Isang maliit na table na gawa sa kawayan ang nilagyan niya ng bigas, gulay, itlog, delata, kape, vitamins at iba pa. Nakasaad sa nakasabit na karatula: “Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan.”
Isang araw makaraang ilagay ang Maginhawa pantry, dumagsa ang magbibigay ng tulong. May magsasaka mula sa Tarlac na nagbigay ng isang sakong kamote. Kinabukasan, may mga mangingisda na nagbigay ng huling tilapia.
Ang pantry sa Maginhawa ay bukas mula 6:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. Kahapon, maagang-maaga pa lamang ay marami nang nakapila sa pantry upang makakuha ng kanilang pangangailangan. Sabi ni Patricia, “Di nito masasagot ang root cause ng kagutuman pero okay na rin na pantawid gutom sa mga nangangailangan. Mahirap magtrabaho, mag-aral at lumaban habang kumakalam ang tiyan.”
Ang sinimulan ni Patricia ay mabilis na kumalat. Sabi nga ng isang pari, isang mabuting virus ang mabilis na kumakalat ngayon. Hindi mapigilan ang pagkalat ng virus na pawang mahihirap at mga kapuspalad ang nakikinabang. Nakakaligtas sila sa kagutuman dahil sa proyektong ito.
Nagsulputan na kung saan-saan ang community pantries. Mainit na tinanggap. Lumaganap. Umabot na hanggang sa mga probinsiya. Dagsa ang mga nagbibigay sa pantry. Bayanihan na ang nangyari. Ang mga aning gulay at huling isda ay pinakikinabangan ng mamamayan.
Ang pagsulpot ng community pantry ay magandang pambukas sa isipan ng mga nakakaluwag at sobra-sobra ang biyaya sa buhay. Maaaring makatulong sa pamamagitan ng mga itinayong pantry. Da-dalhin lamang doon ang ipamamahagi at marami nang makikinabang. Marami nang kumakalam na sikmura ang malalamnan. Hindi na kailangang lumayo pa para makatulong sa mga nangangailangan.
Lumawak pa sana ang nasimulan sa Maginhawa para mayroon namang guminhawa sa panahon ng pandemya.