J&T Express, sinabon at ikinula ni Mayor!

MAHIGIT 60 delivery riders at sorters ang napasugod sa BITAG Action Center noong nakaraang linggo. 

Habang nagpoprograma ako sa hapon ng Pambansang Sumbungan, nakatawag ng aking pansin ang pagtitipun-tipon nila sa labas ng aming gusali.

Sarado pa ang action center ng BITAG dahil sa pandemya kaya’t hindi sila nakapasok sa aming tanggapan. Mahigpit kasing ipinatutupad ang health protocol ng pamunuan ng aming building. 

Akala ko noong una, mga riders ng isang asosasyon na galit sa BITAG dahil sa pagsasalita ko hinggil sa usurpation of authority na ginawa ng kanilang lider.

Nagrereklamo pala sila laban sa J&T Express. Meron daw silang mga kontrata bilang job order subalit isang buwan na silang nakatengga’t walang trabaho.

Nang magdeklarang muli ang gobyerno ng enhanced community quarantine (ECQ), pinahinto raw sila sa kanilang trabaho.  

Kailangan daw sumunod ng kompanya sa tamang bilang lamang ng mga empleyado. Alinsunod daw ito sa ipinapatupad ng gobyerno hinggil sa social distancing. 

Tama at may magandang rason ang J&T dito. Ang problema, nang matapos ang ECQ ay tengga pa rin ang mga delivery riders. 

Walang tawag, text, memo o paramdam ang pamunuan ng J&T Express sa katanungan ng kanilang mga empleyado. 

Lahat na raw ng paraan, ginawa ng mga riders para makausap ang sinuman sa pamunuan ng J&T Express subalit bigo sila. Kaya napadpad sila sa tanggapan ng BITAG.

May kabastusan ang pamunuan ng J&T Express. Ayaw harapin ang kanilang mga empleyado kesehodang job order lamang ang kontrata. 

Ang tanging nais ng riders ay malaman kung may babalikan pa silang trabaho o wala. Higit sa lahat, maibigay ang huling sahod at incentives na kanilang pinagpaguran.

Nakipag-ugnayan kami kay Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela kung saan naroon ang warehouse ng J&T Express. 

Napag-alaman naming “pasaway” pala ito’t makailang beses nang naipatawag ni Mayor Gatchalian dahil sa violations. 

Muli silang sinabon, kinula at pinalo-palo ni Mayor sa harap ng kanilang mga nagrereklamong empleyado ang mga representante ng J&T Express. Nangako ang mga ito na babayaran lahat ng atraso sa mga nagrereklamo ngayong linggong ‘to.

Nakatutok kami sa BITAG kung tutupad ang J&T Express sa kanilang pangako!

Show comments