Community service sa mga violator sa protocols

Community service na lang ang inirerekomenda ng Department of Justice (DOJ) na ipataw na kaparusahan sa mga madadakip na lumalabag sa curfew at health protocols sa kasagsagan nang pinaiiral na ECQ sa NCR plus.

Ito ay ginawa matapos na namang malagay sa balag ng ala-nganin ang ilang tauhan ng pulisya, partikular sa General Trias sa Cavite.

Ito’y matapos masawi ang isa sa inaresto nilang curfew violator na sinasabing pinag-exercise.

Mukhang napasobra ang ibinigay na kaparusahan na naging sanhi ng kamatayan ng dinakip.

Lumalabas na stroke at problema sa puso ang ikinamatay ng curfew violator.

Sa unang ulat, pinag-pumping squat na umabot sa 300 ulit  ang biktima kasama ang iba pang dinakip.

Yun lang, may kondisyon pala sa puso ang nasawi kaya dapat hindi nabigyan nang ganung kahirap na parusa.

Dahil sa pangyayaring ito, inirekomenda nga na dapat ay community service na lamang ang ipataw na kaparusahan sa mga mahuhuli namang ‘pasaway’ sa protocol at mga patakaran sa ECQ.

Kung pagmumultahin naman, karamihan nga naman eh apektado na ang pamumuhay dahil sa lockdown.

May kanya-kanya kasing mga ordinansa na ipinatutupad ang mga LGUs sa mga violators, kasama na dyan ang multa na inaangalan rin ng marami.

Yung iba , ayun pinag-eexercise na delikado rin pala dahil hindi naman alam ng mga humuli kung ano ang health condition ng mga ito.  

Kailngan marahil na maipaabot ng LGUs sa kanilang mga law enforcement at katuwang ng mga ito kung ano ang mga nakapaloob na kaparusahan sa pinaiirala na ordinansa. Huwag nang magdagdag pa o magsarili kung anong kaparusahan ang kanilang ibinibigay   nang hindi magkaroon ng kalituhan at hindi na magdulot sa huli nang pagsisisihan.

Dapat lahat ng gagawin nakapaloob sa ipinaiiral na itinakdang patakaran na lubhang pinag-isipan.

Show comments