NASA 150 katao sa Taiwan ang pinapalitan ang kanilang pangalan matapos mag-anunsyo ang isang restaurant doon na mamimigay sila ng libreng sushi sa mga customer na may pangalang ‘‘Salmon’’.
Inanunsyo ng restaurant chain na Sushiro na may libreng sushi ang sinumang customer na makakapagpakita ng ID na magpapatunay na Salmon nga ang kanilang pangalan.
Daan-daan tuloy ang nag-apply ng pagpapalit ng pangalan sa mga ahensya ng gobyerno sa Taiwan upang gawing Gui Yu o “Salmon” sa Chinese ang kanilang pangalan.
Sa biglang dami ng mga aplikasyon ay nakiusap na ang Ministry of Interior ng Taiwan sa kanilang mga mamamayan na huwag magpadalus-dalos sa pagpapalit ng pangalan.
Hanggang tatlong beses lang kasi makakapagpalit ng pangalan ang isang mamamayan sa Taiwan kaya may posibilidad na maging pang habambuhay na ang pangalang “Salmon” para sa mga tatlong beses na nakakapagpapalit ng pangalan.
Bagama’t may mga napigilan sa pagpapalit ng pangalan, mayroon pa ring mga nagpumilit na baguhin at gawing “Salmon” ang kanilang pangalan.
Dahilan ng isa, maaari pa naman daw niyang ibalik ang dati niyang pangalan kapag nakuha na niya ang libreng sushi.