Maari bang iatras ang isinampang kaso?

Dear Attorney,

Maari ko bang iatras ang kriminal na kasong isinampa ko mga isang taon na ang nakararaan? Nagkapatawaran na rin naman po kami ng taong inireklamo ko at hindi rin naman po umuusad ang kaso. Pangamba ko lang ay baka may parusa sa mga nag-aatras ng criminal case. —Rina

Dear Rina,

Maari kang gumawa ng Affidavit of Desistance, na isang sinumpaang salaysay mula sa naghain ng kaso o reklamo kung saan nakasaad ang kagustuhan niyang iatras na ang kasong isinampa niya.

Ngunit kailangang malaman mo na hindi awtomatiko ang pag-atras ng kaso. Kahit pa kasi mag-file ka ng Affidavit of Desistance ay nasa hukom pa rin o sa piskal ang huling pagpapasya kung tutuloy ba o hindi ang pagdinig sa kaso.

Huwag kang umasa na basta-basta nila idi-dismiss ang kaso lalo na kung tungkol ito sa heinous o karumal-dumal na krimen tulad ng rape o murder at may iba pang maaring magtestigo sa krimen bukod sa nagsampa ng kaso.

Tandaan, hindi kontrolado ng nagsampa ng reklamo ang pagpapatuloy ng isang kriminal na kaso dahil hindi lang naman siya ang biktima at naagrabyado sa naganap na krimen.

Damay din ang kaayusan at katahimikan ng ating lipunan, kaya nga People of the Philippines ang inilalagay sa mga criminal cases at hindi ang pangalan ng mismong nagsampa ng reklamo.

Ukol naman sa pangamba mo, wala namang parusa ang pag-atras ng asunto ngunit kung sakaling ang isinampa mong reklamo ay malinaw na walang basehan at isinampa mo lang ito bilang harassment, maari kang maharap sa kasong malicious prosecution at hindi magiging hadlang ang pag-atras mo ng reklamo upang ikaw ay mapatunayang guilty sa nasabing kaso.

Show comments