Ang maikling panalangin

ANG janitor at pastor ay magkasabay na namatay. Pagdating sa pintuan ng kalangitan, sila ay tumigil sa desk ni San Pedro upang i-verify kung iyon na talaga ang petsa ng kanilang kamatayan. Sa dami ng susunduin ni Kamatayan, siya ay nalilito at kung sinu-sino na lang ang natatamaan ng kanyang kalawit. Iyon ang dahilan kung bakit minsan, akala ay patay na, ngunit biglang mabubuhay.

Pagkaraan ng ilang minutong paghihintay, agad pinapasok sa langit ang janitor. Kinausap ni San Pedro ang pastor.

“May deliberation pa kami kung nararapat ka bang papasukin sa langit o hindi. Kaya matagal-tagal kang maghihintay diyan.”

“San Pedro, pasensiya na po, pero nararamdaman kong may favouritism kayong pinaiiral dito sa langit.”

“Naku, hindi totoo ‘yan. Kaya nga may deliberation pa, upang magkaroon ng tamang desisyon.”

“Bakit hindi ninyo ako matanggap kaagad sa langit samantalang ang buong buhay ko ay inubos ko sa pagdalangin at paglilingkod sa Diyos. Kanina, ipinagtapat ng janitor na sandali lang siya kung magdasal sa Diyos dahil pagsapit ng gabi ay pagod na pagod na siya.”

“Ginoong Pastor, maikli nga ang panalangin ng janitor ngunit ito ay sincere at punung-puno ng pagmamahal. Ang Diyos ay labis na natutuwa sa kanyang napakaikling panalangin: Salamat po sa lahat ng biyaya at araw-araw kitang mamahalin, aking Panginoong Diyos. Kaysa mahabang dasal pero sa bibig lang nagmula at hindi sa puso.”

 

Show comments