WALANG sinisino ang COVID-19 – bata, matanda, mahirap man o mayaman kayang hatakin sa hukay. Ngayong tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 na nagtatala ngayon ng 7,000 kaso bawat araw, nararapat nang gumawa nang epektibong paraan ang pamahalaan para makaiwas ang mamamayan sa bangis ng virus.
Noong nakaraang linggo, nagkasundo ang 17 mayors sa Metro Manila na huwag palabasin ng kani-kanilang mga bahay ang mga batang edad 15 hanggang 17 sa loob ng dalawang linggo. Tanging ang mga may edad 18 hanggang 65 ang papayagang lumabas. Sabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos napagdesisyunan ang age restrictions dahil sa dumaraming kaso ng COVID sa kalakhang Maynila. Sa dating guidelines, pinapayagang lumabas ang 15-anyos hanggang 65.
Pero sinasalungat ng United Nations International Children Emergency Fund (UNICEF) ang pagbabawal sa mga bata na lumabas ng bahay. Ayon sa UNICEF ang pagbabawal ng huwag lumabas sa loob ng dalawang linggo ang mga bata ay paglabag sa karapatan ng mga ito. Ayon pa sa UNICEF, malaki na ang epekto sa mga bata ng mga ipinatutupad na lockdown. Bagama’t nauunawaan daw ng UNICEF ang hangarin ng pamahalaan na maiiwas sa sakit ang mga bata, hindi naman daw nararapat sapagkat inaalisan ng karapatan ang mga bata.
Hindi dapat matinag ang pamahalaan sa batikos ng UNICEF na pagbabawal na lumabas ang mga bata. Mas mahalaga ang buhay. Mahirap nang maibalik ang buhay kaya dapat gawin ang nararapat na panatilihin sa bahay ang mga bata. Mas delikado kapag nagkasakit ang mga bata lalo pa nga at wala pang bakuna para sa kanila.
Hindi dapat ikumpromiso ang kalusugan ng mga bata sa bangis ng pandemya. Huwag silang hayaan na lumabas ng bahay. Para ito sa kanilang kapakanan.