Dear Attorney,
Noong 1980s, hinayaan po ng tatay ko na tumira sa lupa namin sa probinsiya ang matagal na naming katiwala. Ngayon po ay yumao na ang katiwala at ang nakikitira na ay ang kanyang anak. Tanong ko lang po Attorney kung maari mo bang ipasa o ipamana sa iba ang pagpapatira sa lupa kung ikaw ay nakikitira lang din naman? —May
Dear May,
Tanging ang may-ari lang ng lupa ang maaring magpasya kung anong gusto niyang gawin dito. Kaya kung ang tatay mo ang may titulo o ang may-ari ng lupa, maari niyang paalisin kahit kailan ang sinumang nakatira roon.
Hindi maaring ipasa o ipamana sa iba ang pagpapatira sa lupa kung hindi naman sa kanya ito dahil unang-una, wala naman siyang karapatan sa lupa na maaring ipamana o ipasa sa iba.
Ang tanging dahilan kung bakit nagawa ng dati ninyong katiwala na makatira sa inyong lupa ay dahil hinayaan lamang ito ng iyong tatay. Kaugnay nito, ang tanging basehan din ang pagtira ngayon ng kanyang anak doon ay dahil hinahayaan lang din ito ng tatay mo.
Maari n’yong paalisin ang mga nakitira ngayon sa lupa ng iyong tatay sa pamamagitan ng pagbigay sa kanila ng demand letter kung saan nakasaad na pinapaalis n’yo na sila sa inyong lupa.
Kung magmatigas, kakailanganin n’yo munang sumangguni sa barangay bago kayo makapagsampa ng kasong ejection laban sa kanila.