BABAING lamok lang ang nangangagat sa tao. Iyon ay dahil kailangan nila ang human blood para ma-fertilize ang itlog sa kanilang “sinapupunan”. Dalawang beses na akong naglathala ng mga klase ng taong lapitin ng lamok. Ang sinulat ko ngayon ay karagdagang impormasyon sa mga naisulat ko noon. Base sa research, isa sa bawat 10 tao ay mataas ang level ng pang-akit sa lamok. Sino ba ang pinipiling kagatin ng lamok?
1. Mga taong mataas ang concentration ng steroid sa katawan. Ito ay sumisingaw sa balat at naaamoy ito ng lamok.
2. Taong mataas ang level ng cholesterol. Hindi lahat ng may mataas na cholesterol ay sumisingaw ang amoy nito sa balat. May mga taong pawisin kaya’t mabilis na naaamoy ito ng lamok.
3. Mga taong sobrang mag-produce ng uric acid sa kanyang katawan. Mabilis na naaamoy ng lamok ang uric acid na sumisingaw sa katawan. Mga 50 meters ang naabot ng pang-amoy ng lamok.
4. Ang amoy ng carbon dioxide na inilalabas ng ating baga ay type na type ng lamok. Naaamoy nila ito kahit higit sa 50 meters ang kanilang distansiya. Mas malaking tao, mas marami ang naibubugang carbon dioxide kaya malalaking tao ang kinakagat at hindi mga beybi.
5. Ang mga buntis ay nagbubuga ng mas maraming dioxide kaya sila ay nagiging target din ng lamok.
6. Iwasang magtatakbo sa malamok na lugar. Mas lalong naaakit ang lamok sa taong gumagalaw nang mabilis. Isa pa, kung tumatakbo, ang tendency ay humingal at magbuga ng maraming carbon dioxide.