EDITORYAL - Humahalakhak ang drug syndicates

HABANG marami ang na-trauma at hanggang ngayon ay kinakabahan pa sa nangyaring barilan sa pagitan ng PDEA agents at mga pulis Quezon City noong Miyerkules ng gabi sa parking lot ng isang mall sa Commonwealh Avenue, humahalakhak naman ang drug syndicates sa tuwa. Paano’y hindi sila nasaling ng mga alagad ng batas at ang masakit, nalagasan pa ang mga ito dahil sila-sila ang nagbarilan. Apat ang namatay sa sinasabing misencounter ng PDEA at QCPD operatives. Sa halip na ang mga sindikato ang malagasan, mga operatiba ng gobyerno ang namatayan at nagdulot pa ng grabeng takot sa mall goers at mga kumakain sa fast food chain. Nang bumugso ang mga putok, hindi malaman ng mga tao kung saan magtatago. May nagtago sa ilalim ng mesa at ang karamihan ay nagtago sa comfort room. Isang buntis ang takot na takot at nahirapang magtago.

Nakakaawa rin ang mga may-ari ng sasakyan sapagkat hindi nila malaman kung sino ang papanagutin sa pagkabutas-butas ng kanilang mga sasakyan na nasa parking lot ng fast food chain. Sabi ng mga customer, nagtungo sila roon para kumain pero bala pala ang sasalubong sa kanila. Nahihintakutan na nga raw sila nangyayaring pandemya ay ito palang misencounter ng mga alagad ng batas ang papatay sa kanila sa takot.

Hanggang ngayon wala pang malinaw na paliwanag ang PDEA at ang QCPD kung bakit nangyari ang barilan. Ang sinasabi ng bawat panig, lehitimong buy bust operation ang ginawa nila kaya sila naroon sa lugar. Sabi ng QCPD ang mga taga-PDEA ang unang nagpaputok. Sabi naman ng PDEA, lehitimo ang kanilang operasyon.

Pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring barilan. Ipapatawag naman ng Senado ang PDEA at QCPD para sa isang pagdinig. Sabi ni PDEA Director Wilkins Villanueva, handa silang magpaimbestiga.

Sa nangyaring ito, ang drug syndicates ang nakinabang. Sila ang humahalakhak ngayon at ang mamamayan ang nahihintakutan.

Show comments