SALAT pa sa kaalaman ang publiko ukol sa bakuna laban sa COVID-19. Marami pang walang muwang ukol sa mga bakuna kaya naman marami ang nag-agam-agam at kinakabahan kung sila ay magpapabakuna. Baka sa halip na maging maayos ang kanilang katawan ay mapasama. Kaya nararapat na magsagawa ng kampanya ang Department of Health at ang iba pang sangay ng pamahalaan para mabigyan nang sapat na inpormasyon ang publiko. Gawin ito habang hinihintay ang pagdating ng bakuna na umano’y parating na.
Kulang pa ang information campaign ng pamahalaan sa bakuna kaya sa mga survey, marami ang nagsabing hindi sila magpapabakuna. Sa isinagawang survey ng OCTA Covax research team noong nakaraang linggo, nasa 55.9 percent lamang ang gustong magpabakuna at 77.2 percent ang nagsabi na magpapabakuna lamang sila kapag marami na sa populasyon ang nabakunahan. Ayon pa sa mga tinanong, maghihintay muna sila sa maaaring mangyari sa mga binakunahan at kapag nakitang walang masama saka lamang sila magpapaturok. Mabuti na raw ang nakakasiguro. Baka sa halip na maproteksiyunan sila ng bakuna ay lalo pang mapasama ang kanilang kalagayan. At kung may mangyari raw sa kanila ay sasagutin ba ng gobyerno?
Isa sa mga dahilan nang pagkatakot sa bakuna ay dahil sa Dengvaxia na ginamit ng pamahalaan noong 2016 para sa dengue. Maraming bata ang nabakunahan ng Dengvaxia na nagkaroon ng kumplikasyon at may mga namatay umano. Nagkulang sa info campaign ang manufacturer na Sanofi kaya humantong sa hindi maganda. Hindi sinabi na ang Dengvaxia ay dapat lamang iturok sa mga nagka-dengue na. Basta pinapila ang mga bata at binakunahan na walang permiso sa mga magulang ng mga ito. Hanggang ngayon, kontrobersiya pa rin ang Dengvaxia at pinananagot ang mga dating opisyal ng DOH sa ilalim ng Aquino administration.
Habang wala pa ang bakuna sa COVID-19, paigti-ngin pa ng gobyerno ang vaccine information drive ukol dito. Nararapat na magkaroon ng kaalaman ang publiko sa bakuna. Ipaliwanag nang maayos para maraming mahikayat na magpabakuna laban sa COVID. Nararapat na mapawi ang agam-agam at pagdududa.