LUMALALIM lalo ang kaso ng 19 Lumad “child warriors” na na-rescue ng kapulisan sa Cebu City kamakailan. Matapos kasing makasuhan ang pitong katao na kasama sa mga Lumad minors sa retreat house ng San Carlos University, anim sa 13 Manobo minors ay pinayagang bumalik sa Davao kasama ang kanilang mga magulang. Ang pito naman ay hindi pinayagang magbiyahe ng Children’s Legal Bureau kapag hindi sila sinamahan ng kanilang mga magulang.
Kaya iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas na hanapin ang mga magulang ng pitong Lumad minors at napagkasunduan na magkikita sila sa Sitio Kamingawan, Talaingod, Davao del Norte nitong Lunes. Subalit dalawang Lumad parents lang ang sumipot, ayon sa report ni Brig. Gen. Filmore Escobal, PRO 11 director. Idinagdag pa ni Escobal na ang apat na Lumad parents na sina Maymay Anlomon, Lumanao Ilayao, Loring Suladlaron at Mandacawan ay “kinuha” ng mga communist front groups na nagpakilalang mga pulis noong Linggo.
Sinabi ni Sinas na desperado na ang mga communist front organization para alpasan ang serious illegal detention at child exploitation na ikinaso sa pito nilang kasamahan. Araguuyyyy! Hak hak hak! Naipit sa dalawang nag-uumpugang bato ang pitong Lumad minors, ‘no mga kosa?
Ayon kay Sinas, ang mga magulang ng nailigtas na Lumad minors ay pilit na hinahanap ng pulisya at social welfare authorities sa Davao para makuha ang kanilang sworn statemetns para lalong idiin sina Benito Bay-ao, Segundo Melong, Esmelito Paumba Torebawan, Chad Ramirez Booc, Jomar Malique Binag, Moddie Langayed Mansumuy-at, at Rochelle Mae Procadilla.
Ang magulang ng anim na Lumad minors ay sumama sa raid ng pulisya at iba pang ahensiya ng gobyerno kaya bitbit na nila ang kani-kanilang mga anak pauwi sa Davao. Idinagdag pa ni Sinas na kapag hindi sumipot ang kanilang mga magulang, ang natitirang pitong Lumad minors ay manatili sa kustodiya ng social welfare authorities sa Cebu.
Sinabi pa ni Sinas na ang apat na magulang na kinuha ng mga “police officers” ay namonitor ni Escobal na nag-aaply ng travel authority sa airport at sumapasailalim sa RT-PCR test sa New World Diagnostic Center. Hindi pa masabi ni Escobal kung bumiyahe na papuntang Cebu ang mga magulang ng mga na-rescue na Lumad minors. Araguuyyyy! Hak hak hak!
Sana makauwi na sa kanilang lugar ang mga “child warriors” para makapiling ang kani-kanilang pamilya matapos ang traumatic na experience nila, di ba mga kosa?
Sinabi ni Sinas na ang mga Lumad minors ay dinala sa UCCP Haran, sa Davao City ng isang titser na alyas Michelle noong 2018 sa usapan na dadalawin nila ang kani-kanilang pamilya kada buwan. Subalit na-transfer ang mga minors sa Cebu lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang, ayon sa PNP chief.
Noong Enero 29, ang mga magulang na sina Editha Olayan, Maymay Anlomon, Mellon Moya at guardian na si Agustina Ilayao ay nagsumbong sa pulisya ukol sa nawawalang minors kaya kaagad nagbuo ng team si Central Visayas director Brig. Gen. Ronnie Montejo para i-rescue sila. Abangan!