Ang tunay na ‘statesman’

NOON ay kasagsagan ng Civil War sa Amerika. Isang araw, binisita ni Lincoln at ng kanyang secretary of war ang bahay ng isang magiting na heneral na namumuno sa pagtatanggol ng bansa. Wala ang heneral nang dumating sila. Pagkatapos ng ilang oras na paghihintay ay dumating din sa wakas ang mahusay na general. Ngunit sa pagtataka ng dalawang bisita ay hindi sila pinansin ng general nang dumaan ito sa salas na kinauupuan nila.

Tuluy-tuloy ito sa itaas ng bahay patungo sa kanyang kuwarto. Naisip ng dalawang bisita na siguro’y magpapalit lang ito ng damit at saka sila haharapin. Ngunit isang oras na naman ang lumipas pero hindi pa ito bumababa kaya’t inutusan nila ang katulong na tanungin ang heneral kung bakit hindi pa ito nagpapakita sa kanila. Bumalik ang katulong at ang sabi ay — hindi na niya kaya pang makipag-usap sa dalawang bisita dahil pagod ang heneral. Kailangan na niyang magpahinga.

Umakyat ang dugo sa ulo ng secretary of war at sabi kay President Lincoln—Mr. President, sa palagay ko’y dapat mong tanggalin sa posisyon ang hambog  na heneral na ‘yan! Saglit na nag-isip si Lincoln. Pagkuwa’y sinabi nito — “Hindi ko siya tatanggalin. Sobra  ang hirap na naranasan niya sa pakikipaglaban at lahat ng laban ay naipanalo niya. Kulang pa ang maikling oras na itutulog niya sa hirap na kanyang naranasan. Kung iuutos niyang ipaglinis ko siya ng kanyang bota at pakainin ang kanyang kabayo ay susundin ko kapalit ng pagtatanggol niya sa ating bayan.”

“The challenge of leadership is to be strong, but not rude; be kind, but not weak; be bold, but not bully; be thoughtful, but not lazy; be humble, but not timid; be proud, but not arrogant; have humor, but without folly.” – Jim Rohn

 

Show comments