HABANG pinagdedebatehan pa ang legalidad ng ipinatutupad na Motor Vehicle Inspection System (MVIS) ng Land Transportation Office (LTO), nararapat na ihinto muna ang operasyon ng mga pribadong motor vehicle inspection centers (MVICs). Ito ay kahit pinag-utos ni President Duterte noong nakaraang linggo na hindi na mandatory ang MVICs. Kung sino lamang ang may gusto o wala nang sapilitan. Nasa 23 MVICs ang binigyan ng pahintulot ng LTO para makapag-operate na nagsimula noong Disyembre 20, 2020.
Dumagsa ang reklamo mula sa mga motorista sa mataas na singil ng mga pribadong MVICs. Ayon pa sa mga may-ari ng sasakyan, kuwestiyunable ang integridad ng MVICs machines sapagkat kahit bago pa ang sasakyan, lumalabas na mayroon itong depekto at bumabagsak sa roadworthiness. Marami rin ang nabibigatan sa binabayaran. Ang inspection fee ay P1,800 (kotse, jeepney at truck) at P600 (motorsiklo at traysikel). Kapag bumagsak, magbabayad ng P900 at P300 reinspection fee. Ayon pa sa mga motorista, pinababalik-balik sila dahil marami raw umanong dapat ayusin sa sasakyan kaya ang resulta, panibagong bayad na naman.
Kaya ipinasya ng Presidente na gawin na lang optional ang MVIS. Dahil sa pag-aksiyon ng Presidente, nagbaba ng singil ang MVICs at ginawang P600 para sa pribadong sasakyan na halos kapantay ng private emission testing center.
Subalit sa kabila nito, hinihirit pa rin ng ilang senador na tuluyang itigil ang MVIS. Sabi ni Sen. Franklin Drilon sa interbyu sa Teleradyo dapat itigil na ang MVIS. “Assuming na may legal na basehan, at ako’y ‘di naniniwala na may basehan, ito’y nakakadagdag lamang ng bigat sa ating mga mamamayan.” Sabi pa rin ng senador na dapat magkaroon ng imbestigasyon sa Senado ukol sa pagpili ng mga operator ng MVICs.
Una nang sinabi nina Senators Grace Poe at Ralph Recto na source ng korapsiyon ang MVIS. Ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services nararapat ihayag ng LTO ang mga pangalan ng indibiduwal na nag-ooperate ng mga pribadong MVICs sapagkat lumalabas sa mga report at reklamo ng motorista, ang mga ito ay pag-aari ng mga pulitiko. Ayon sa senadora dapat mabunyag ang pangalan ng mga may-ari ng MVICs. Sabi naman ni Recto, nararapat suspendihin ng LTO ang operasyon ng MVICs at magkaroon muna ng dialogue ukol dito.
Itigil ang MVIS at magkaroon muna ng malinaw na pag-uusap ukol dito. Hindi sapat ang sabihin na hindi na ito sapilitan o mandatory. Linawin ang malalabong isyu ukol sa MVICs.